25.7 C
Manila
Biyernes, Disyembre 27, 2024

Gatchalian: Pondo para sa ALS tiniyak sa 2023 budget

- Advertisement -
- Advertisement -

Tiniyak ni Senador Win Gatchalian na makakatanggap ang mga mag-aaral ng Alternative System (ALS) ng kaukulang suporta sa ilalim ng 2023 national budget.

Sa bicameral conference committee report sa 2023 national budget na niratipikahan kamakailan ng Kongreso, inaprubahan ang panukala ni Gatchalian na maglaan ng P562 milyon sa ilalim ng DepEd budget para sa pagpapatupad ng mga programa sa ALS at sa probisyon ng mga learning resources. Saklaw din ng naturang pondo ang transportation and teaching aid allowances sa mga ALS teachers at sa mga community ALS implementers. Ang P562 milyon ay nakalaan sa ilalim ng Flexible Learning Options.

Ang ALS ay ang ang impormal na sistemang nagsisilbing alternatibo sa pormal na sistema ng edukasyon. Bahagi ng ALS ang mga di-pormal na mga paraan ng pagbabahagi ng kaalaman.

Sa pagtalakay ng panukalang budget ng DepEd para sa taong 2023, binigyang diin ni Gatchalian ang pangangailangan ng ALS ng kaukulang pondo. Aniya, malaking dagok ang dinanas ng ALS dahil sa epekto ng pandemya ng COVID-19 tulad ng kawalan ng face-to-face classes sa bansa. Batay sa datos ng DepEd noong nakaraang Marso 14, wala pang kalahating milyon (472,869) ang mga nag-enroll sa ALS para sa School Year 2021-2022, mas mababa ng 38% kung ihahambing sa bilang na naitala bago ang pandemya.

“Ang ALS ay nagbibigay ng pangalawang pagkakataon sa mga kababayan nating hindi natapos ang kanilang pag-aaral. Ngunit nang tumama ang pandemya, nakaranas ng matinding dagok ang mga programa ng ALS, kaya naman sa ilalim ng 2023 national budget, tiniyak nating mabibigyan ng suporta ang mga mag-aaral sa ALS upang hindi sila mapag-iwanan sa muling pagbangon ng bansa,” ani Gatchalian, Chairman ng Senate Committee on Basic Education.

Si Gatchalian ang pangunahing may-akda at sponsor ng Republic Act No. 11510 (ALS Act) na siyang nag-institutionalized, nagpatatag, at nagpalawig sa ALS. Ito ay upang mabigyan ng pangalawang pagkakataon sa edukasyon ang mga out-of-school children in special cases at nakatatandang mga mag-aaral, kabilang ang mga indigenous peoples, at iba pang mga nangangailangang mag-aaral. Sa ilalim ng ALS, mapapaigting din ang kanilang basic at functional literacy at life skills.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -