LUNGSOD QUEZON, Kalakhang Maynila — Sa pagdiriwang ng Urban Poor Solidarity Week (UPSW) ngayong taon sa City College of Mandaluyong sa Barangay Addition Hills, pinarangalan ni Presidential Commission for the Urban Poor (PCUP) chairperson Undersecretary Elpidio Jordan Jr. ang mga urban poor organizations (UPOs), local government units (LGUs) at mga ahensya ng pamahalaan at pribadong sektor sa kanilang mga inisyatibo na mabigyan ng tunay na serbisyo at tulong ang mga maralitang pamilya sa buong bansa.
Kaugnay ng 36 anim na taimtim na pagbibigay serbisyo sa publiko, binigyang pagkilala ng PCUP ang pagkakabuklod-buklod at pagtutulungan ng mga urban poor group at ahensya ng pamahalaan at non-government organization (NGO) na matibay ang pagsuporta sa poverty alleviation program ng administrasyong Marcos.
Kasabay nito, inilunsad ng PCUP ang apat na banner program nito na magtitiyak na ang mga proyekto at polisiya ng ahensya ay kaakibat sa adhikain ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Romualdez Marcos Jr. na hanguin sa karukhaan ang mga mahihirap na Pilipino.
Ang nasabing mga programa ay ang Piso Ko Bahay Mo, Lingkod Agapay Maralita, PCUP Goodwill Ambassadors at pagtatag ng mga PCUP Satellite Offices sa buong kapuluan.
Ang Piso Ko Bahay Mo ay isang housing facilitation at linking program na makakatulong sa mga residente na ang mga tahanan ay sumailalim sa demolisyon. Sinabi ni Usec. Jordan na makikipag-ugnayan siya sa pribadong sektor para makapagbigay ng pabahay sa mga mahihirap.
Layunin naman ng Lingkod Agapay Maralita program na mabigyan ng mga oportunidad ang mga maralita na magkaroon ng hanapbuhay sa pamamagitan ng trabaho at pag-oorganisa ng mga kooperatiba sa tulong ng mga negosyante.
Sa ilalim naman ng Goodwill Ambassadors Program, o GAP, pinaaanyayahan ng Komisyon ang mga volunteer sa larangan ng pagnenegosyo, academe at mga NGO na magbigay ng kanilang serbisyo sa mga maralitang tagalungsod.
Nais din ng PCUP na makapagtatag ng mga PCUP Satellite Offices sa iba’t ibang panig ng bansa upang maging accessible ito sa mga maralitang nangangailangan ng tulong o serbisyo mula sa Komisyon.