INILUNSAD kamakailan ng pamahalaang lalawigan ng Quezon sa pangunguna ng Provincial Tourism Office ang bagong tourism campaign ng Quezon na “Tara Na Sa Quezon”.
Ayon sa Quezon Public Information Office, layunin ng programa na maipakilala ang lalawigan bilang isang agri-tourism destination kung saan mararanasan at makikita ng mga turista ang ganda ng mga ipinagmamalaking mga tanawin, destinasyon, agri-farm, masasarap na pagkain at kultura ng probinsya.
Ang paglulunsad ay pinangunahan ni Governor Doktora Helen Tan kasama sina Department of Tourism (DoT) Undersecretary Ferdinand Jumapao, at DOT IV-A Assistant Regional Director Mario Daga bilang kinatawan ni DoT IV-A Regional Director Marites Castro.
Ayon kay Tan, bukod sa mga farm ay marami ring magagandang tourist destination tulad ng mga resorts, falls, caves at iba pa sa lalawigan na maaaring i-offer sa mga turistang bibisita sa probinsya.
“Hinihikayat ko din po ang bawat Quezonian na unang i-explore ang sariling atin at bisitahin ang mga karatig na bayan. Gayundin, ang mga Quezonian na matagal nang hindi pa muling nakakabalik sa lalawigan na muling bumalik at pumasyal”, sabi pa ng gobernador.
Kasabay ring inilunsad sa nasabing programa ang promotional video ng Tara Na Sa Quezon, gayundin ang official tourism song na pinamagatang “Na’ay (Land of Thousand Colors)” ni Kyle Anunciacion.
Bago ang pormal na paglulunsad ay nagkaroon muna ng dalawang araw na Agri-Tourism Familiarization Tour sa ilang destinasyon sa lalawigan na kinabibilangan ng Lukong Valley Farm sa Dolores, Habilin Farm sa Lungsod ng Tayabas, Four K Cacao Farm sa Gumaca at Mikastra Integrated Farm sa Macalelon.
Layunin din ng paglulunsad ng programa na mabigyan ng mga gabay ang mga turista kung ano ang maaaring mai-offer at maranasan nila sa lalawigan ng Quezon sa pamamagitan ng mga tour packages na pangunahing tinututukan ang agri-turismo ng bawat bayan sa lalawigan ng Quezon. (RO/PIA-Quezon)