Ni Aurora E. Batnag
Ang Agosto ay Buwan ng Wikang Pambansa at Buwan ng Kasaysayan din. Angkop, kung gayon, na balikan natin ang sinaunang sistema ng pagsulat ng ating mga ninuno, ang Baybayin. Saklaw ng paksang ito kapwa ang wika at ang kasaysayan.
Bago pa dumating ang mga mananakop na Espanyol (tinawag ding Kastila ng ating mga ninuno), may maunlad nang sibilisasyon sa ating kapuluan. May sistema ng pamamahala o gobyerno, aktibong pakikipagkalakan sa ibang mga lahi, at sariling sistema ng pagsulat. Ayon sa kronikler ni Magellan, na si Antonio Pigafetta, naabutan nilang marunong bumasa at sumulat ang mga mamamayan dito. Bata, matanda, lalaki, babae – lahat ay marunong sumulat gamit ang katutubong paraan ng pagsulat, ang Baybayin.
Ano ang Baybayin?
Mula sa salitang ugat na “baybay,” nangangahulugan ang “baybayin” ng “spelling,” o isa-isang pagtukoy sa wastong pagkakasunod-sunod ng mga letrang bumubuo ng isang salita. Silabaryo ang tawag sa sistemang ito ng pagsulat. Ibig sabihin, bawat representasyon o simbolo ay magkasama nang isang katinig (consonant) at isang patinig (vowel), samakatuwid ay isang pantig (syllable) na, na ang default na patinig ay a. Hindi ito tulad ng alpabetong Romano, na ang bawat katinig ay kailangang samahan ng isang patinig para makabuo ng pantig.
Pero may isa pang kahulugan ang salitang ito: ang baybáyin (nasa pangalawang a ang diin) ay nangangahulugan ding “gilid, tabi o pampang ng dagat” (Diksyunaryo ng Komisyon sa Wikang Filipino Sentinyal Edisyon, 1998). Angkop lamang marahil na tawaging “Baybayin” ang sistema ng pagsulat ng ating mga ninuno dahil maraming tabi/gilid ng ilog at dagat sa ating bansa.
Tatlo ang patinig ng Baybayin. Ito ay a, e-i, at o-u. Ang totoo, tatlo (3) lamang ang patinig ng sinaunang Tagalog: a, i, u. Ang e at i at o at u ay nagkakapalitan lamang depende sa posisyon sa salita o pangungusap. Ang tunog na i ay nagiging e at ang u ay nagiging o kapag nasa dulo ng salita. Halimbawa, ang babai ay maaaring maging babae at ang lalaki ay nagiging lalake nang walang pagbabago sa kahulugan. Gayon din, ang bangus ay maaaring bigkasing bangos nang hindi nagiging ibang isda.
Morpema ang tawag sa ibang anyo ng isang tunog, na nag-iiba ng bigkas depende sa lugar sa salita o sa mga kasunod o sinusundang tunog. Samakatwid, ang e ay morpema ng i samantalang ang o ay morpema ng u. Hindi magkahiwalay na ponema (o makahulugang tunog) ang mga ito.
Sa paglipas ng panahon, at dahil sa impluwensiya ng maramihang panghihiram ng mga salita sa ibang mga wika, lima (5) na ang patinig ng Tagalog (o Filipino).
Labing-apat naman ang mga katinig sa Baybayin. Ang mga ito ay may katumbas sa alpabetong Romano na b, k, d, g, ng, l, m, n, p, h, s, t, w, y. Walang katumbas ang f at z dahil walang ganitong tunog sa Tagalog. Samantala, d lamang (kung minsan ay d-r) ang makikita sa tumbasan ng mga letra, dahil walang salitang Tagalog na nagsisimula sa /r/. Makikita lamang ang tunog na ito sa pagitan ng dalawang patinig (madami/marami), o sa hulihan ng salita (tulad ng bukor (bukod ngayon), tuhor (tuhod ngayon), atbp.
May isang simbolo lamang para sa /ng/, dahil ang /ng/ ay kumakatawan sa iisang tunog. Hindi ito pinagsamang n at g kaya hindi puwedeng paghiwalayin sa pagpapantig. Taglay ng tunog na ito ang unikong katangian ng ating wika na wala sa mga wikang Ingles at Kastila. Ito ang dahilan kung bakit naging 28 letra ang alpabetong Filipino (1987) gayong 26 lamang ang letra ng pinagbatayang alpabeto sa Ingles. Isinama pa rin bilang hiwalay na mga letra ang ng, sa kabila ng pagpipilit ng ilan, na kalabisan na ang hiwalay na ng dahil mayroon nang hiwalay na n at g. May mga salita sa Tagalog na nagsisimula sa tunog na kinakatawan ng ng, halimbawa, nganga, ngipin, nguya, atbp. Sa Ingles at Kastila ay walang salitang nagsisimula sa tunog na /ng/. Matatagpuan din ang tunog na ito sa gitna at hulihan ng salita. Halimbawa: nguyngoy, saging, atbp.
Importanteng maunawaan ito dahil apektado pati pagpapantig at pag-aayos nang paalpabeto ng mga salita.
Paano magsulat sa Baybayin?
Gaya ng nasabi na, bawat simbolo sa Baybayin ay isa nang pantig – binubuo ito ng isang katinig at default na a. Kung e-i ang tunog na ibig itambal sa katinig, lalagyan lamang ng tuldok sa itaas ng katinig. Sa ibaba naman ng katinig ilalagay ang tuldok kapag o-u ang ibig itambal na tunog. Kung walang patinig ang isang pantig at katinig lamang ang ibig isulat, lalagyan naman ng x ang ilalim ng katinig.
Simple lamang ang pagsusulat, hindi ba? Angkop na angkop ang paraang ito ng pagsulat sa wikang sinalita ng ating mga ninuno. Angkop ito sa simpleng palapantigan ng wikang Tagalog, na mayroon lamang dalawang uri: katinig-patinig (KP) at katinig-patinig-katinig (KPK). Sa ngayon, itinuturo sa mga paaralan ang marami nang pormasyon ng pantig, pero sa totoo lang, ang mga pormasyong ay makikita lamang sa mga hiram na salita.
Bakit nawala ang Baybayin?
Sa kasamaang palad, wala pang limbag na mga aklat noong bago dumating ang mga Kastila. Nagsulat ng ating mga ninuno sa mga dahon ng halaman, sa balat ng mga punongkahoy, sa mga bato at kuweba. Madaling naglaho ang mga ito bagama’t may ilang nakasulat na dokumento na nakaligtas sa pagdaraan ng mga taon. Isa rito ay isang dokumento sa pagbebenta ng lupa, na nakasulat sa Baybayin. Mahalaga ito dahil ipinapakita rito kung paano magsulat ang ating mga ninuno. Ang unang aklat na nailimbag sa Pilipinas, ang Doctrina Christiana (1593) ay nakasulat kapwa sa Baybayin at sa alpabetong Romano. Gayon man, ang unang edisyon lamang nito ang may sulat sa Baybayin; sa sumunod na edisyon ay wala nang Baybayin at ang mga salitang Tagalog ay binaybay ayon sa alpabeto. Ang librong ito ang ginamit ng mga misyonerong Kastila sa pagpapalaganap ng Kristiyanismo.
Naging mas madali para sa mga prayle ang pagtuturo ng relihiyon nang sila mismo ang nag-aral ng mga katutubong wika at sumulat sila ng mga gramatika at diksiyonaryo ng iba’t ibang mga wika sa Pilipinas. Sa maikling salita, ang mga katutubo, na marunong bumasa at sumulat sa sariling wika, ay biglang naging illiterate – kinailangan nilang mag-aral ng bagong sistema ng pagsulat.
Nang sumunod na mga dantaon, nawaglit na sa kamalayan ang katutubong paraan ng pagsulat na ito na ginamit ng mga Tagalog, Ilokano, Kapampangan, at iba pang mga wika. Napalitan na ito ng alpabetong nakabatay sa Latin.
Pero na ngayon, may ilang katutubong paraan ng pagsulat na patuloy pa ring ginagamit, tulad ng Surat Hanunoo sa Mindoro, ang Buhid ng mga Mangyan at ang Surat Tagbanua sa Palawan.
Buhayin ang Baybayin
Dahil sa patuloy na paglaganap ng wikang Ingles sa ating bansa, na pumalit sa Kastila bilang wikang panturo, at sa pagkahumaling ng ating mga awtoridad sa paggamit ng wikang Ingles, waring tuluyan nang nawaglit sa isip ang sarili nating paraan ng pagsulat. Pero hindi tuluyang nabura sa isip ang Baybayin.
Ngayon, maraming guro at iskolar ng wika na nagsisikap ipabatid sa mga kabataan ang mayamang kultura ng ating bansa, na makikita sa masining na pagkabuo ng mga simbolo ng Baybayin. May mga indibidwal na nagdaraos ng mga worksyap para ipalaganap ang pagsusulat sa Baybayin. May ilan na gumagamit ng mga letra ng Baybayin sa kanilang mga likhang sining. At noong 2018, naipasa ang panukalang batas 1022, na nag-uutos na gamitin ang Baybayin sa mga publikong gusali, tanggapan ng pamahalaan, mga ngalan ng kalye, pangalan ng mga produkto, atbp. Kapag naging batas ito, hindi naman nito layon na palitan na ang alpabetong Filipino. Malayo na ang nilakbay ng ating pambansang wika. Mahihirapan na tayong ibalik sa dati ang ating paraan ng pagsulat. Pero magandang buhayin ang sining ng pagsulat sa Baybayin. Gamitin ito sa mga disenyo at arkitektura, sa iba’t ibang mga patalastas. Ang importante ay manatili sa ating kamalayan na maunlad na ang ating bansa noong bago dumating ang mga dayuhang mananakop. At dapat nating ipagmalaki at matuto tayo sa mga naisagawa na ng ating mga ninuno.
Halika, magsulat na tayo gamit ang Baybayin.