NGAYON pa lang ay sinimulan na ni Sen. Robinhood “Robin” Padilla ang kanyang adbokasiya laban sa mga political dynasty, at ginawa niya ito sa mismong pamilya niya.
Ani Padilla ngayong Martes, ngayon ang panahon para ipasa ang batas laban sa political dynasty, higit 37 taon matapos ito itinakda ng 1987 Constitution.
“Kung kailangan kami mismo sa pamilya namin ako mismo aaminin ko sa inyo, ang isang kapatid ko pinipilit din na tumakbong senador. Ako na po ang nagsabi sa kanya parang awa nyo na tama na. Tama na,” ani Padilla sa pagdinig ng Senate Committee on Constitutional Amendments and Revision of Codes.
“Sa aking palagay, morally wrong, 117M tayo, hindi pupuwedeng iilang pamilya ang pwede magsilbi sa bayan. Yan naman po ay opinion ko lang yan,” dagdag niya.
Giit ni Padilla sa kanyang kapatid, kung magkaroon ng anti-dynasty na batas, siya mismo ang hindi na tatakbo. “Sinabi ko sa kapatid ko pag ito pumasa ako mismo unang unang hindi tatakbo,” aniya.
Idiniin din ni Padilla na ngayon ang panahon para pagusapan ang pagpasa ng batas para magkaroon ng enabling law laban sa political dynasty.
“Hindi pupuwede na ilang taon na itong di pinaguusapan, 37 years na hindi ginawa ng batas patungkol dito. Di natin hinaharap. Di pupuwedeng may bagay na di natin hinaharap. Dapat harapin natin ito ngayon na,” aniya.
Noong ika-1 ng Agosto, sinimula ni Padilla ang laban sa political dynasty sa pamamagitan ng Resolution of Both Houses No. 9, na ipinagbabawal ang pagkandidato ng paghawak ng opisina sa ilang sitwasyon.