28.2 C
Manila
Miyerkules, Enero 15, 2025

Makatotohanang paglutas ng problema ng Pilipinas

ULTIMONG BIGWAS

- Advertisement -
- Advertisement -
SINABI ni Vladimir Lenin, kinikilalang ama ng Unyong Sobyet, “Sa kadena ng mga proseso, sunggaban ang pangunahing kawing.”
HINDI lang miminsan, ni ang napangalawahan pa, o di kaya natatluhan na ang mga pagkakataong  hinalaw ko ang katalinuhang nabanggit sa unahan. Kung hindi ako nagkakamali sa aking pagkakatanda, sinulat iyun ni Lenin bilang bahagi ng kanyang aklat na pinamagatang What’s To Be Done?
Sa pamagat pa lamang, halata kaagad na ginawang payak ang paghahanap ng kasagutan sa maraming kumplikadong katanungang kinahaharap ng rebolusyong Sobyet noong 1917. Masalimuot ang kalagayang sosyal ng Rusya ng mga panahong iyun. Bagama’t noon pang sinundang siglo ay nagawa nang magtamo ang mga aliping magbubukid ng maliit na porsiyento ng hustisya sosyal,  nagpatuloy pa rin sa malaking bahagi ang pang-aabuso ni Czar Nicholas II sa kapangyarihang pulitikal.  pasahol nang pasahol ang kasalatan sa pagkain ng masa na ang kapobrehan sa buhay ay pinatindi pa nang husto ng kahirapang dulot ng Unang Digmaang Pandaigdig.
Mahalagang unawain na ang pagbaka sa rehimeng Tzarista ay halos limitado lamang sa mga aksyong pulitikal na pinamumunuan ng pahayagang Iskra. Sa salitang Pilipino, ang ibig sabihin ng Iskra ay kislap. Kaya sa ibaba ng ulo ng pahayagan ay naroroon lagi ang adbokasiya na ang isang maliit na sinag ay hahantong sa apoy na naglalagablab. Kung nagkataon man na ganitong-ganito rin ang mensahe sa isa sa mga paboritong kawikaan ni Mao Tse Tung, ikredito ito sa pagiging unibersal ng damdaming rebolusyonaryo: “A single spark can start a prairie fire (Ang isang maliit na sinag ay maaaring makapagpasimula sa apoy sa kaparangan.”
Sa pana-panahon, ang editorial board ng Iskra ay nahahati nang ayon sa pananaw sa mga isyung sumusulpot. Sa ganung pagkakahati nakilala ang mga terminong Menshevik, ibig sabihin mayorya, at Bolshevik, minorya. Sapagkat ang mga isyu ay kadalasan nang nakasentro sa mga kawalang hustisyang gawi ng kalabang Tsar, nangyari na ang bahagi ng editorial board na may pagpanig sa Tsar ay nakilala sa taguring Menshevik at ang mga lantarang kontra Tsar ay nakilalang Bolshevik. Dito unang mauugat kung bakit ang pag-aalsang kontra Tsar ay nakilala bilang rebolusyong Bolshevik – na ibig sabihin lamang ay pagbabalikwas ng minorya.
Subalit bagama’t sa termino ang rebolusyong Bolshevik ay rebolusyon ng minorya, sa aktwal na pangyayari, ang kagila-gilalas na pag-aalsa sa St. Petersburg noong Oktubre 5, 1917 ay totoong rebolusyon ng nakararami na humihiyaw ng “Tinapay! Tinapay! Tinapay!”
Papaanong ang sa bilang ay rebolusyon lamang ng Bolshevik ay nagwakas bilang matagumpay na pagbabalikwas ng mayoriyang Menshevik?
Diyan nasubukan ang henyosong pamamaraan ni Lenin. Sa pamamagitan ng rebolusyonaryong gawaing pag-oorganisa, hinimok niya sa rebolusyonaryong kilusan ang buong Red Army sa pamumuno ni Leon Trotsky at nagsilbi pa itong kalasag ng libu-libong masang Russo na nagbalikwas sa St. Petersburg.
Kasabay nito, kinontra ni Lenin ang plano ng mga Menshevik na magtatag ng sariling pamahalaan at sa halip ay pumaloob na lamang sa Duma, ang parlamento ng pamahalaang itinatag ni Alexander Kerensky sa pakikipag-intindihan kay Tsar Nicholas II bilang kapalit ng rehimeng tsarista.
Makaraan ang isang maiksing panahon, isinagawa ni Lenin ang pinakamabilis na coup d’tat sa kasaysayan – ang simpleng pag-aresto sa gabinete ni Kerensky at ang pagproklama ng: “Lahat ng kapangyarihan sa mga Sobyet.”
Nagkandakahog si Kerensky sa pagtakas.
At sa sumunod na 73 taon, nabuhay ang Unyong Sobyet bilang numero unong katunggali ng Estados Unidos sa pamumuno sa mundo sa lahat ng usapin – siyensya, ekonomiya, pulitika at militari.
Naririto tayo ngayon sa kalagayan ng Pilipinas. Sa araw-araw na ginawa ng Diyos, ang buong sambayanan ay binabagabag ng samu’t saring alalahanin: Presidenteng di-umano’y bangag sa bawal na droga; pamahalaan na sa isang banda ay maaga pang binulok ng korapsyon
at sa kabilang banda ay walang pakundangang nagpasakop sa imbing mithiin ng Estados Unidos na idamay ang Pilipinas sa pakikipagdigma nito sa China.
Pinakamasahol na alalahanin para sa sambayanang Pilipino ay ang di mapigil na pagtaas ng presyo ng mga bilihing pagkain. Ang bigas ay nanatili sa pinakamababang presyo na P55 kada kilo ng ordinaryong klase at tumataas hanggang P75 bawat kilo ng primera klase. Ang galunggong na kung turingan ay “poor man’s viand (pangmahirap na ulam) ay P200 ang kilo. Na ibig lang sabihin, para sa katamtamang bilang ng pamilya na limang ulo, ang minimum wage na naglalaro sa pagitan ng P500 at P400 ay sapat lamang upang tustusan ang isang lutuan ng pagkain ng isang pamilya sa maghapon. Ang isang lutuan na iyun ay pagkakasyahin mo sa tatlong kainan: almusal, tanghalian at hapunan, pwera na ang mga meryenda sa umaga at hapon. At kung si Senadora Imee Marcos ang tatanungin, pwera na rin ang iba pang pangangailangan sa buhay tulad ng pabahay, mga utilidad gaya ng kuryente at tubig, transportasyon, komunikasyon, edukasyon at pangangalagang pangkalusugan.
Pagkain na pagkain lang talaga ang nagagawa pang igapang ng karamihan sa sambayanan. Kung pati ito ay mawawala pa, ano pang meron na matitira ang bayang hikahos upang mabuhay?
Sa katanungang ito dinadala ang usapan ng pahayag ni Secretary Arsenio Balisacan na sa halagang P21 isang kainan, ang Pilipino ay hindi maituturing na food poor.
Uulitin natin: kung kaya mong bayaran ang halaga ng isang kainan (alin kung almusal, tanghalian  o hapunan) na P21, hindi ka na mahirap sa pagkain.
Ewan kung anong arikmetik ang gamit ni Secretary Balisacan sa kanyang pahayag sa pagdinig na ginawa ng Senado, pero kung anoman iyun, maliwanag na maging siya ay hindi makaintindi. Walang kawawaan ang kanyang mga pinagsasabi. Parang hirap at nakakapagod na litaniya ng walang katapusanhmg “Ahh…Ahh… let me explain… Ahh… Ahh… This… Ahh… Ahh…Expenditures…Ahh…Ahh… the inflation factor… Ahh…Ahh …”
Paanong nangyari na sa P21 lang isang kainan, pagkaing mayaman ka na?
Talagang wala kang paliwanag na maapuhap!
Oh, kung naging Pilipino lang si Lenin sa kasalukuyang panahon!
Hindi siya magkakamali na hindi kilalanin na sa kadena ng mga proseso na kinakaharap ng Pilipinas, ang kasalatan sa pagkain  ang siyang pangunahing kawing na oras na iyong nasunggaban ay nasapol mo na rin ang mga kalutasan sa kadena ng mga problemang sumisingkaw sa leeg ng sambayanang Pilipino.
30
- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -