30.9 C
Manila
Miyerkules, Enero 15, 2025

Gatchalian hinimok sina Sheila Guo, Cassandra Ong na mag ‘tell-all’ sa pagdinig ng Senado

- Advertisement -
- Advertisement -

HINIMOK ni Senador Win Gatchalian sina Sheila Guo at Cassandra Ong na isiwalat na ang lahat ng nalalaman kaugnay ng mga impormasyon tungkol sa Philippine Offshore Gaming Operators o POGO sa pagharap nila sa darating na pagdinig ng Senado.

“Mag tell-all na sila. Yun pa lang magkasama na sina Cassandra Ong at Sheila Guo na sabay na nagbibiyahe, ibig sabihin ay malapit si Cassandra sa pamilya Guo. Dito natin makikita ang koneksyon ng Bamban POGO sa Porac POGO,” sabi ni Gatchalian.

Si Sheila Guo, na isang shareholder at opisyal ng ilang kumpanya ng pamilya Guo, ay maaaring magbigay ng liwanag kung paano napondohan ang pagpapagawa ng POGO hub sa Bamban, ayon sa senador.

“Malaki ang papel ni Sheila Guo sa imbestigasyon dahil kung hindi siya stockbroker, siya ay ginawang opisyal sa mga kompanyang pag-aari ng mga Guo. Ang ibig sabihin nito, kung ang mga kompanyang iyon ay ginamit para matustusan ang POGO sa Bamban, hindi malayong alam din niya iyun,” sabi pa ni Gatchalian.

Mahahalagang impormasyon din ang inaasahang makuha kay Ong tungkol naman sa POGO sa Porac, Pampanga. “Alam naman nating lahat na authorized representative ng Lucky South 99 si Cassandra Ong. Sa katunayan, pumunta pa siya sa PAGCOR para ipakiusap ang lisensya ng Lucky South 99,” ani Gatchalian.

“Aalamin natin kay Shiela at Cassandra kung sino ang mga mastermind, sino ang government officials na tumutulong sa kanila o kasabwat nila sa POGO, sino ang tumulong sa kanilang pondohan ang mga POGO sa Bamban at Porac na naging pugad ng kriminalidad, at gaano kalawak ang operasyon ng mga ito,” pagbibigay-diin ni Gatchalian. Ang mga impormasyong ito, aniya, ay maaaring magbunyag ng kasalukuyang kinaroroonan ni Alice Guo na posibleng magdulot ng kanyang pagkakahuli.

“Ang kinasasangkutan nila ay transnational crimes. May mga money launderers na nahuli sa Singapore na kasosyo ni Alice Guo. Sabihin rin nila kung sino pa ‘yung mga negosyante na kasama nila dito sa operasyon na ito. Hindi lang mga foreign syndicates ang sangkot dito. Lumalabas na may mga lokal na negosyante rin silang kasama,” pagtatapos ni Gatchalian.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -