Sa gitna ng pagdiriwang ng World Children’s Day ngayong araw, Nobyembre 20, hinimok ni Senador Win Gatchalian ang gobyerno na panatilihin ang maigting na pagsugpo sa online sexual abuse and exploitation of children (OSAEC).
Ani Gatchalian may dalawang bagong batas na lalo nagpapaigting sa kakayahan ng pamahalaan na sugpuin ang OSAEC at iba pang uri ng child trafficking at pang-aabuso laban sa mga kabataan. Ito ang Anti-Trafficking in Persons Act of 2022 o Republic Act No. 11862 at ang Anti-Sexual Abuse or Exploitation of Children (OSAEC) and Anti-Child Sexual Abuse or Exploitation Materials (CSAEM) Act o Republic Act No. 11930.
Ayon sa isang pag-aaral na pinamagatang “Disrupting Harm in the Philippines: Evidence on online child sexual exploitation and abuse,” 20 porsyento ng mga kabataang gumagamit ng internet at may edad 12 hanggang 17 ang nakaranas ng matinding online sexual exploitation and abuse noong nakaraang taon. May 950 na kabataan ang nakilahok sa naturang survey. Kung itutugma ang resulta nito sa kabubuan ng populasyon, lalabas na aabot sa 2 milyong kabataang Pilipino ang nakaranas ng ganitong klaseng pang-aabuso at karahasan.
Ayon sa pag-aaral, ilan sa mga naranasan ng mga biktima ang pag-blackmail sa kanila upang pumayag silang gumawa ng mga malalaswang aktibidad. Ang iba naman ay pinipilit na gumawa ng mga sekswal na aktibidad kapalit ang pera at mga regalo.
Matatandaan ding tumaas ang panganib na kinaharap ng mga kabataan noong kasagsagan ng pandemya. Noong 2021, iniulat ng Department of Justice (DOJ) na may natanggap ito na ng halos tatlong milyon o 2.8 milyong ulat ng online sexual exploitation of children (OSEC), halos doble sa 1.3 milyong naiulat noong 2020. Iniulat din ng DOJ na noong nakaraang taon, naglunsad ito ng opisyal na imbestigasyon sa 268 na kaso ng OSEC, mas mataas ng halos apat na beses sa 73 na isinagawa noong 2020.
“Bahagi ng pagtataguyod natin sa kaligtasan at kapakanan ng mga kabataan ang pagtiyak sa kaligtasan ng internet, lalo na’t ginagamit ito para sa iba’t ibang uri ng karahasan at pang-aabuso. Nitong mga nakaraang buwan ay naipasa natin ang mga mahahalagang batas upang paigtingin ang pagsugpo sa pang-aabuso sa ating mga kabataan gamit ang internet,” ani Gatchalian.