26.8 C
Manila
Miyerkules, Enero 22, 2025

Pangandaman inilahad ang bagong procurement law bilang pinakamalaking hakbang laban sa korapsyon sa Pilipinas

- Advertisement -
- Advertisement -
IPINAHAYAG ni Department of Budget and Management (DBM) Secretary Amenah “Mina” Pangandaman ang mga makabuluhang pagbabago na dala ng New Government Procurement Act (NGPA), na dinisenyo upang mapaigting ang efficiency, matiyak ang mataas na kalidad, at mapalakas ang mga hakbang laban sa korapsyon sa mga inisyatiba ng pampublikong sektor.
“Ito pong bagong procurement na ‘to, hindi na po mangyayari ‘yang Pharmally na ‘yan. Habang medyo pinaluwag natin ang proseso ng procurement, mayroon pa rin namang mga safeguards,” pagtitiyak ni Secretary Mina sa isang panayam kasama ang batikang mamamahayag na si Marichu Villanueva sa weekly forum na “Kapihan sa Manila Bay.”
Ipinaliwanag pa niya, “Nung in-amend po natin ang procurement act, kasama po natin ang ating mga development partners like World Bank, ADB (Asian Development Bank), at now the UN (United Nations) as part of our group working on our IRR (Implementing Rules and Regulations).”
Ang NGPA o Republic Act (RA) No. 12009, na nilagdaan bilang batas ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. noong ika-20 ng Hulyo 2024, ay aniya’y “the most significant anti-graft and corruption law in modern history.”
Bilang chairperson ng Government Procurement Policy Board (GPPB), patuloy na nagbigay ng updates si Secretary Pangandaman hinggil sa progreso ng mga reporma sa NGPA.
Binigyang-diin din niya na ang pagbuo ng IRRs ay isang masusing proseso dahil sa kumplikado at iba’t ibang bagong procurement modalities na ipinakilala sa ilalim ng NGPA.
“Marami pong IRR ang kailangan gawin dito kase maraming bagong modalities ng pagpo-procure ang i-dinagdag natin… We have a technical staff o TSO (Technical Support Office). Nagsisimula na po tayo i-finalize ‘yung mga corresponding IRRs don sa mga bago nating modes of procurement,” saad ng Kalihim.
Itinatatag din ng NGPA ang ilang innovative procurement approaches upang magbigay ng higit na flexibility sa mga procuring entities na angkop sa kanilang mga pangangailangan. Kasama rito ang competitive dialogue, unsolicited offers with bid matching, direct acquisition, direct sales, at direct procurement para sa science, technology, at innovation. Ang mga pamamaraang ito ay idinisenyo upang i-streamline ang mga proseso at mas maiayon sa magkakaibang mga kinakailangan ng iba’t ibang mga proyekto.
Isa sa mga malaking pagbabago sa ilalim ng bagong batas ay ang pag-iwas sa tradisyonal na pamamaraan na nakatuon lamang sa halaga. “Hindi na po kailangan mura. Dati po ‘di ba laging mura nalang dapat? Ngayon pwede na din po based on technical specifications and quality,” dagdag pa ni Secretary Pangandaman.
Isa pang magandang dulot ng NGPA na binigyang-diin ng Kalihim ay ang patuloy na digitalisasyon sa loob ng procurement system. “For Common-Use Supplies and eventually kahit hindi po Common-Use, meron na po tayong ‘add to cart,’” binanggit ni Sec. Mina.
“Hopefully by this year, makapag-pilot tayo for vehicles sa national government. Kasi po napakalaking budget po ang nakalaan para sa pagbili ng mga vehicles for national government use. Kapag ginawa mo ‘yang common-use at nilagay mo sa isang site, ‘di ba mas madali po mamili? Andun na ‘yung specifications,” pagpapaliwanag n’ya.
“The PS-DBM will make sure na ang papasok do’n sa site na ‘yon ay okay na mga manufacturers. So, wala kang problema sa quality ng mga bibili. At makakapili ka po based on your budget and needs,” dagdag pa ng Kalihim.
Binibigyang-diin din ni Secretary Pangandaman ang pagkakaroon ng citizen participation sa proseso ng procurement, isang key component ng Open Government Partnership, na kanyang aktibong sinusuportahan. “I am pushing for open government partnership, so nandiyan din po ’yung citizens participation. It’s a new provision po in the procurement na sa mga BAC po natin pagnagpapa-procure po tayo, meron pong representative ang ating private sector, ang CSOs (Civil Society Organizations) natin,” ayon kay Sec. Mina.
Ang mga kinatawang ito, na pinili ng mga ahensya, ay may mahalagang papel sa pagtitiyak ng integridad ng proseso ng procurement. “Pwede po sila maupo for transparency, [The representatives are] at least five to seven,” paliwanag ni Sec. Pangandaman.
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -