29.6 C
Manila
Miyerkules, Enero 15, 2025

Mga tunog ng wika at paano ito isinusulat

- Advertisement -
- Advertisement -
MAYROON bang mga tunog sa inyong wika na wala sa ibang mga katutubong wika sa Pilipinas? Anu-ano ang mga ito? Paano ninyo ito isinusulat?
Bawat wika ay natatangi kung kaya’t tingnan natin ang isang tunog o patinig na bagaman hindi kabilang sa opisyal na patinig ng wikang Filipino, ay matatagpuan sa iba’t ibang mga katutubong wika sa Pilipinas. Ito ay ang patinig na [Ə] o 𝘮𝘪𝘥 𝘤𝘦𝘯𝘵𝘳𝘢𝘭 𝘷𝘰𝘸𝘦𝘭. Tinatawag din itong 𝘴𝘤𝘩𝘸𝘢 o pepet. Binibigkas ito sa pamamagitan ng paglalagay ng dila sa gitnang bahagi ng bibig habang nakangiti. Makikita ito sa mga wikang Ilokano, Pangasinan, sa ilang diyalekto ng Kapampangan, Kankanaey, Kuyunon, Kinaray-a, Maranao, Tëduray, Iranun, Magindanawon, Sama-Sentral, T’boli, at iba pa.
Ang pagkakaroon ng tunog na ito ay isang patunay sa mga materyal na pangkultura na matatagpuan sa Pambansang Museo ng Pilipinas, gaya ng sinturon ng Tëduray na tinatawag na lëgët at tungkod ng Maranao na tinatawag na teken/tekin. May iba’t ibang paraan din kung paano isinusulat ang patinig na ito. Maaaring e, ë, ẽ, ē, ‘, ibang patinig, o hindi isinusulat upang maiba ito sa kilalang patinig na /e/.
Maraming pagbabago ang nagaganap sa isang wika o mga salita sa pagdaan ng panahon.
Ayon sa Amerikanong lingguwista na si Carlos Conant, ang patinig na [Ə] o schwa ay karaniwan sa mga wikang kabilang sa Malayo-Polynesian. May mga wika na nawala na ang tunog o patinig na schwa, samantalang ang iba naman ay napanatili ito. Karamihan sa mga wikang wala nang schwa, naging ibang patinig o tunog ito. Sa wikang Tagalog, ang patinig na schwa ay naging /i/, /u/ sa Sebwano at /a/ sa Ibanag. Bilang halimbawa, ang salitang ngipin [‘ŋi.pin], sa Maranao ay ngipen [‘ŋi.pən], sa Sebwano ay ngipun [‘ŋi.pʊn], samantalang sa Ibanag ay ngipan [‘ŋi.pʌn].
Marami man ang mga wika sa Pilipinas, pinagbibigkis naman ito ng ating Wikang Pambansa. Halina’t sabay-sabay nating ipagdiwang ang kakanyahan ng bawat wika na mayroon tayo.
Teksto at graphics mula sa Facebook page ng National Museum of the Philippines
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -