PINAHINTULUTAN ni Department of Budget and Management (DBM) Secretary Amenah Pangandaman ang pagpapalabas ng karagdagang P3.681 bilyong pondo sa Department of Information and Communications Technology (DICT) para mapanatili ang pagpapatupad ng Free Public Internet Access Program (FPIAP) sa buong bansa.
“Tuloy na tuloy po ang ating free Wi-Fi Program. By approving this additional budget within our calibrated fiscal program, we reaffirm our commitment to prioritizing inclusive and accessible internet for all,” pahayag ni Sec. Mina.
“As mandated by President Ferdinand R. Marcos Jr., we will ensure that every citizen, saan mang sulok ng Pilipinas, makikinabang sa ating digital transformation initiatives,” dagdag ni Secretary Pangandaman.
Naasahan na ang pagpapalabas ng pondo ay magbibigay ng benepisyo sa kabuuang 13,462 Access Point (AP) sites sa iba’t ibang lokasyon sa buong bansa.
Bahagi ng FPIAP ay ang pagtatayo at pagpapanatili ng mga ICT infrastructure tulad ng tower, data center, at internet connection. Nilalayon nito na mapanatili ang connectivity sa mga pampublikong lugar gaya ng mga eskwelahan, libraries, parks, at transportation hubs, upang magbigay ng maaasahang internet services para sa edukasyon, trabaho at pang-araw-araw na mga aktibidad sa buhay.
“Naiintindihan po natin na kailangan talaga ito ng ating mga kababayan. With the budget released, we are hopeful that the DICT can proceed swiftly with the fund disbursement and expedite the program’s implementation,” paghimok ng Budget Secretary.
Ang karagdagang pondo ay kukunin mula sa Special Account in the General Fund – Free Public Internet Access Fund (SAGF-FPIAF) para sa FY 2024. Ito ay bukod pa sa P2.5 bilyon na inilaan na para sa FPIAF sa kasalukuyang taon na inaasahang ganap nang na-obligate ngayong buwan.