IBINALITA ni Senator Loren Legarda sa kanyang Facebook page na denepensahan niya sa plenaryo ang Senate Bill No. 2690.
Kuwento niya, “Dinepensahan natin sa Plenaryo ang Senate Bill No. 2690 o ang The Bacoor Assembly of 1898 Act na nagdedeklara sa Agosto 1 ng kada taon bilang special working holiday upang gunitain ang Araw ng Paglalathala at Pagtatanyag ng Kasarinlan ng Pilipinas.
”Mas mabibigyang-kulay ang pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan tuwing Hunyo 12 dahil sa pagkilala sa Bacoor Assembly, na ang layunin ay mailathala at maiproklama ang kasarinlan ng bansa, na pinagtibay kalaunan ng Malolos Congress.
”Bakit mahalaga ang Agosto Uno?Sa araw na ito, nagsama-sama sa Bacoor, Cavite ang mahigit 200 nahalal na opisyales mula sa iba’t ibang panig ng bansa upang lagdaan ang Acta de Independencia (Act of Independence) na iniakda ng ating bayaning si Apolinario Mabini na nagsasaad at ipinaaalam sa buong mundo ang pagkakaroon natin ng isang demokratikong bansa na pinamumunuan ng mga lider na halal ng isang malayang sambayanan.Higit nitong pinagtibay ang selebrasyon ng kasarinlan ng Pilipinas na idineklara noong Hunyo 12, 1898 na tayo’y tunay na malaya mula sa impluwensya ng mga dayuhan.
“Ang mga naganap noong Agosto 1, 1898 ay napakahalaga sapagkat ang pagdedeklara ng kalayaan ay may basbas ng taumbayan. Nawa ay ipagmalaki natin ito dahil ito ang naghudyat sa mundo na ang mga Pilipino ay may kakayanang pamahalaan ang sarili bilang isang republika.
“Salamat kay Senador Koko Pimentel sa mahahalagang katanungan noong tinalakay ang panukalang batas sa plenaryo.”