26.9 C
Manila
Sabado, Nobyembre 23, 2024

Kampanya ng Lubang kontra ASF, higit pang pinaigting

- Advertisement -
- Advertisement -

HIGIT pang pinaigting ng pamahalaang lokal ng Lubang ang kampanya nito upang manatiling walang kaso ng African Swine Fever (ASF) sa bayan, ayon sa Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO).

Sinabi ni Engineer Jerryme Villas, tagapamahala ng MDRRMO Lubang, na pinulong kamakailan ni Mayor Michael Orayani ang iba’t ibang grupo na may kaugnayan sa bentahan ng baboy na kinabibilangan ng meat handlers, meat dealers at mga operator ng pangulong o malaking bangkang pangisda.

Ipinaliwanag ni Villas na ang mga operator ng pangulong, matapos magbenta ng kanilang huling isda sa Batangas at Metro Manila, ay nagdadala ng mga kalakal pabalik ng kanilang bayan.

Pakikipagpulong ni Mayor Michael Orayani sa iba’t ibang grupo na may kaugnayan sa bentahan ng baboy sa Lubang. Nais matiyak ni Mayor Orayani na hindi kabilang ang karne ng baboy at iba pang pork processed food sa kalakal na ipinapasok ng mga operator ng pangulong gayundin ng mga meat handler at meat dealer. (Larawang kuha ng Pamahalaang Lokal ng Lubang. )
Ayon pa kay Villas, nais matiyak ni Mayor Orayani na hindi kabilang ang karne ng baboy at iba pang pork processed food sa kalakal na ipinapasok ng mga operator ng pangulong.

Sa kasalukuyan, ayon kay Villas, kabilang sa ipinatutupad na hakbang ng Pamahalaang Lokal upang pangalagaan ang bayan kontra ASF ay ang pag-spray ng kemikal o disinfectant sa mga gulong ng sasakyan na papasok ng Lubang.

Dagdag pa nito, higit ding pinaigting ang kanilang information campaign lalo na sa pantalan ng Tilik, Lubang at Nasugbu, Batangas.

“Nakiusap din tayo sa mga barkong naglalayag patungong Lubang na magbigay ng impormasyon o babala kontra ASF,” saad ni Villas.

Sinabi niya na nagpapatuloy ang checkpoint sa pantalan ng Tilik at tinitingnan ang mga bagahe at lahat ng dala ng mga pasahero papasok ng Lubang.

“Palalakasin din namin ang pakikipag-ugnayan sa mga barangay para sa prevention. Dapat ipaalam ang banta ng ASF at mabatid ng publiko ang kanilang mahalagang papel kontra ASF,” ayon pa sa kaniya.

Nakikiusap naman ang opisyal ng MDRRMO sa mga bibisitang turista at magbabalik na residente ng Lubang na huwag nang magpasok ng anumang uri ng karneng baboy sa kanilang bayan. (VND/PIA MIMAROPA – Occidental Mindoro)

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -