30.9 C
Manila
Miyerkules, Enero 15, 2025

I-institutionalize ang TNVS para sa proteksyon ng mga pasahero, mabawasan ang traffic – Gatchalian

- Advertisement -
- Advertisement -

Hangad ni Senator Win Gatchalian na i-institutionalize ang transport network vehicle services o TNVS sa bansa para sa layuning maproteksyonan ang mga pasahero at higit pang maisulong ang paglago ng industriya ng transportasyon.

Sinabi ni Gatchalian na ang pag-standardize ng transport network services ay magpapaunlad ng mga serbisyo sa transportasyon at makakatiyak ng kaligtasan ng parehong pasahero at ng driver, na siyang layunin ng Senate Bill No. 817 na kanyang inihain.

Aniya, maaari rin itong makabawas sa dami ng mga sasakyan sa kalsada at makakatulong na maibsan ang pagsisikip ng trapiko. Ang panukalang batas ay nagpapahintulot sa TNVS na mag-alok ng ridesharing services upang makatulong sa pagluwag ng mga kalsada.

Binanggit ni Gatchalian ang isang pag-aaral ng Japan International Cooperation Agency (JICA) kung saan inaasahang mawalan ang bansa sa taong 2035 ng P5.4 bilyon kada araw dulot ng trapiko kung walang gagawing hakbang upang mapabuti ang sitwasyon. Nauna nang sinabi ng JICA na may tinatayang P3.5 bilyon na nawawala sa bansa kada araw dahil sa pagsisikip ng daloy ng trapiko.

Ayon pa sa senador, ang paglitaw ng mga TNVS tulad ng Grab, Joyride, at OWTO, at iba pa, ay nagbibigay sa mga pasahero ng mas maraming pagpipilian kung kaya’t pati ang maraming taxi operator ay napilitan nang ayusin ang kanilang serbisyo.

Matatandaang ibinigay na ng Department of Transportation (DOTr) sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang buong awtoridad na i-regulate at pangasiwaan ang mga transport network companies (TNC) at TNVS. Dahil dyan, sinabi ni Gatchalian na kailangan nang i-institutionalize ang mga patakaran at regulasyon na gagabay sa industriya.

“Importante para sa pag-unlad ng bansa na mapalago natin ang mga makabagong transport systems. Kailangan nating maglagay ng mga potensyal na magpapaunlad sa industriya kasama ang mga transport network services at magbibigay proteksyon sa mga pasahero,” ani Gatchalian.

Sa ilalim ng naturang panukala, ang obligasyon ng mga TNC at TNVS ay nakasaad sa isang contract of carriage oras na gumamit na ang pasahero ng naturang serbisyo at mariing nakasaad dito na hindi nila maaaring takasan ang anumang pananagutan at idahilan na isa lamang silang technological platform na kumokonekta sa pasahero at sa driver.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -