29.9 C
Manila
Linggo, Disyembre 22, 2024

Kaligtasan ng mga guro, mag-aaral pinatitiyak ni Gatchalian sa pagsisimula ng full face-to-face classes

- Advertisement -
- Advertisement -

Sa nakatakdang pagbabalik ng limang araw ng face-to-face classes, hinihimok ni Senador Win Gatchalian ang Department of Education (DepEd) at Department of Health (DOH) na gawin ang lahat ng hakbang upang protektahan ang mga mag-aaral at mga guro mula sa banta ng COVID-19.

Maliban sa mahigpit na pagpapatupad ng mga public health protocols at pagtiyak sa sapat na handwashing at sanitation facilities, pinatitiyak ni Gatchalian sa DOH at sa DepEd na palawigin pa ang vaccination coverage sa mga guro at mag-aaral, kabilang ang mga maaari nang makatanggap ng kanilang mga booster shots. Matatandaang isinusulong ni Gatchalian ang school-based vaccination bilang bahagi ng ligtas balik-eskwela ng mga mag-aaral. Tinukoy din ni Gatchalian ang nananatiling hamon sa pagbabakuna ng mga mag-aaral na may edad 5 hanggang 11.

Bago magsimula ang School Year 2022-2023, lumalabas sa datos ng DOH National Vaccination Operations Center na buhat noong Agosto ng taon, wala pang tatlumpung porsyento o umabot lang ng 26.94 porsyento ang bilang ng mga mag-aaral na may edad na 5 hanggang 11 ang fully vaccinated, samantalang 76.41 porsyento na ng mga mag-aaral na may edad 12 hanggang 17 ang fully vaccinated.

“Matapos ang mahigit dalawang taon ng paghihintay, sa wakas ay masasaksihan na natin ang pagbabalik ng lahat ng mga mag-aaral sa face-to-face classes. Kasabay nito, dapat nating tiyakin ang kanilang kaligtasan, pati na ng kanilang mga guro. Kaya naman patuloy nating dapat isulong ang pagbabakuna upang matiyak natin na ang ating mga guro at mag-aaral ay ligtas sa kanilang mga paaralan,” ani Gatchalian, Chairman ng Senate Committee on Basic Education.

“Sa pagkakataong ito, nais ko ring pasalamatan ang ating mga guro dahil sa patuloy nilang pagsisikap upang maipagpatuloy natin ang edukasyon. Hindi natin malalampasan ang mga hamon ng nagdaang taon kung hindi dahil sa kanilang kabayanihan,” dagdag na pahayag ni Gatchalian.

Binigyang diin ng mambabatas ang pangangailangang magpatupad ng programa sa learning recovery upang tugunan ang learning loss at dagok sa ekonomiya na resulta ng kawalan ng face-to-face classes. Matatandaang iniulat ng National Economic and Development Authority (NEDA) na ang kawalan ng face-to-face classes sa isang taon ay magdudulot ng productivity losses na katumbas ng 11 trilyong piso sa susunod na 40 taon.

Upang matugunan ang mga naging epekto ng pandemya, inihain ni Gatchalian ang Senate Bill No. 155 o ang Academic Recovery and Accessible Learning (ARAL) Act para sa pagpapatupad ng pambansang programa para sa learning recovery. Magiging bahagi ng panukalang programa ang mga tutorial sessions.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -