MAHIGIT 1,000 manggagawa sa Calabarzon na naapektuhan ng bagyong Carina at ang pansamantalang pagbabawal na mangisda dahil sa oil spill mula sa MT Terra Nova ang nakatanggap ng emergency employment mula sa Department of Labor and Employment (DoLE).
Pinangunahan nina Labor Assistant Secretary Warren Miclat, na kumakatawan kay Secretary Bienvenido Laguesma, at DoLE Calabarzon Regional Director Atty. Roy Buenafe ang seremonya ng pamamahagi ng sahod mula sa Tupad sa 1,178 mangingisda sa Tanza, Cavite. Nakatanggap ng pansamantalang trabaho ang mga manggagawa sa pamamagitan ng programang Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged Workers (Tupad) ng DoLE na ginanap noong Agosto 7 sa Barangay West Capipisa, Tanza, Cavite.
Sa ngalan ng Kalihim, tiniyak ni Assistant Secretary Miclat sa mga benepisaryo na tutulungan ng Kagawaran na makabawi ang lahat ng manggagawang naapektuhan ang kabuhayan ng kalamidad kamakailan.
Kasabay nito, inatas ni Regional Director Buenafe ang mabilis na pagpapatupad ng programang Tupad sa rehiyon upang makapagbigay ng agarang tulong sa mga mangingisdang pansamantalang natigil ang kabuhayan dahil sa oil spill.
Nagpahayag ng pasasalamat si Michael Guinto, 37-anyos na mangingisda mula sa Julugan 4, Tanza sa natanggap niyang P5,200 bilang sahod mula sa Tupad. “Malaking tulong ang 10-araw na trabaho, lalo na’t ipinagbabawal pa rin ang pangingisda,” pagbabahagi niya, at idinagdag na ang sahod ay makakatulong sa pang-araw-araw na pangangailangan ng kanyang pamilya.
Inilunsad din ang emergency employment program sa mga lalawigang naapektuhan ng pananalasa ng bagyong Carina sa rehiyon.
Sa Laguna, 79 benepisyaryo mula sa Biñan at San Pedro ang sumailalim sa TUPAD orientation noong Agosto 6 at inaasahang makakatanggap ng kanilang sahod pagsapit ng Agosto 12. Sa Rizal, nagsagawa rin ng Tupad orientation sa mga munisipalidad ng San Mateo, Montalban, Cainta, at Tanay mula Hulyo 30 hanggang Agosto 7.
Nagkaroon din ang payout nitong Agosto 9 para sa mga benepisyaryo ng Naic.
Nagdeklara din ng state of calamity ang lokal na pamahalaan ng Cavite sa mga bayan ng Bacoor, Kawit, Noveleta, Rosario, Tanza, Naic, Maragondon at Ternate noong Hulyo 31 kasunod ng paglubog ng mga oil tanker sa karatig-lalawigan ng Bataan. DOLE4A/aldm