MATAGUMPAY na inilunsad ang proyektong PalengQR PH sa bayan ng Tagkawayan, Quezon na layong mabigyan ng mas mabilis at ligtas na sistemang pang-pinansyal ang mga negosyante, namumuhunan, at mga transport groups sa bayan.
Ayon sa Tagkawayan Public Information Office, ang PalengQR PH ay programang binuo ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) katuwang ang Department of Interior and Local Government (DILG) na layong isulong ang digital payment ecosystem sa buong bansa sa pamamagitan ng cashless payment lalo na sa mga palengke at sektor ng transportasyon, partikular ang tricycle.
Ang nasabing programa ay suportado ng local na pamahalaan sa pangunguna ni Tagkawayan Mayor Carlo Eleazar.
“Ang direksyon ng mundo ay digitalization na. Kaya naman ngayon pa lang dapat tayo ay nagpa-practice na, subukan natin ito. Kapag nasanay tayo, magbebenepisyo ang ating mga negosyante at mga konsyumer,” pahayag ni Mayor Eleazar.
Pinangunahan naman ni BSP South Luzon Regional Director Atty. Tomas Cariño Jr. ang paglulunsad ng programa kasama na ang Piso Caravan na dinagsa ng mga nagpapalit ng mga lumang pera.
Ang Clean Note and Coin Policy at Coin Recirculation Program ay may layunin na ilapit sa publiko ang pagpapalit ng marurumi o unfit at sira-sira o mutilated na mga perang papel at masigurong malilinis o fit na pera ang nasa sirkulasyon ng bansa.
Dumayo rin ang mga digital financial service providers na GCash at Maya upang ipalaganap ang mga benepisyo gamit ang kanilang mga app.
Ang aktibidad ay naisakatuparan sa pamamagitan ng Business Permit and Licensing Office, at suporta ng mga lokal na opisyal. (RO/PIA-Quezon)