PORMAL nang sinimulan ng pamahalaang lalawigan ng Quezon ang selebrasyon para sa Niyogyugan Festival 2024 nitong Agosto 9 sa lungsod ng Lucena.
Pinangunahan ni Quezon Governor Doktora Helen Tan ang selebrasyon sa kapitolyo ng Quezon kung saan pinasinayaan ang iba’t ibang kubo o booth na nagtatampok sa mga lokal na produktong gawa mula sa iba’t-ibang bayan ng Quezon, kagaya ng mga masasarap ng kakanin at iba pang produktong agrikultura.
Ayon kay Tan, layunin din nito na maipakita ang mga produktong mula sa mga bayan sa Quezon gayundin matulungan ang mga small micro-entrepreneurs sa pamamagitan ng pagbili o pagtangkilik ng kanilang mga produktong ginawa.
Sa mga susunod na araw, magkakaroon ng Grand Tagayan Day at Niyogyugan Music Fest sa Alcala Sports Complex, Lucena City.
Samantala, mula Agosto 11 hanggang Agosto 18, tampok ang mga sumusunod na aktibidad: Kulturang Quezonian na gaganapin sa festival stage sa lungsod ng Lucena; Kalusugan sa Niyogyugan sa Quezon Convention Center at Cocozumba dance contest championship sa Perez Park, Lucena City.
Idaraos din ang PESO Jobs fair sa Quezon Convention Center at MLQ Lecture Series and Quiz Bee sa Sti College, Lucena City sa Agosto 13 na naglalayong matulungang magkaroon ng trabaho ang mga kabataang nagtapos ng pag-aaral ; Lambanog Summit at Lambanog Mixology contest sa Quezon Convention Center sa Agosto 14; Coco Olympics sa 2024 sa Quezon Convention Center sa Agosto 15.
Ang iba pang aktibidad ay ang mga sumusunod: Kulturang Quezonian painting contest, float display at Tagayan Dance Ritual Contest sa Agosto 16; Niyogyugan Grand Parade sa Agosto 17 at Niyogyugan Boxing sa Perez Park, Lucena City sa Agosto 18.
Ang selebrasyon ay tatagal hanggang Agosto 19 o Quezon Day kung saan igagawad ang parangal o Quezon Medalya ng Karangalan sa mga mapipiling natatanging anak ng lalawigan ng Quezon.
Inaasahan ang pagdagsa ng maraming lokal at dayuhang turista sa makukulay na aktibidad ng Niyogyugan. (RO/PIA-Quezon)