APRUBADO na ng City Development Council (CDC) ng Lungsod ng Batangas ang P30B proposed Annual Investment Program sa taong 2025 at P159M Supplemental AIP No. 2 sa CY 2024 matapos ang isinagawang pagpupulong ng konseho nitong Hulyo 31, 2024.
Pinangunahan ni CDC Chairperson Mayor Beverley Rose Dimacuha ang naturang pagpupulong kung saan ipinresenta ang summary of expenditures nada sektor para sa nabanggit na AIP.
Nakasaad sa Supplemental AIP No. 2 ang mga karagdagang proyekto na kailangang maipagawa sa ilalim ng sector ng social at economic services, kabilang na ang disaster preparedness program ng City Disaster Risk Reduction and Management Council (CDRRMC) at pagbili ng mga equipment at supplies para sa mga shelter facilities.
Habang sa economic services naman nakapaloob ang infrastrasture development program na kinabibilangan ng pagpapagawa at improvement ng roofing system ng city hall at Gusaling Kalikasan at Kapayapaan (GKK).
Kabilang naman sa AIP 2025 ang tatlong sektor tulad ng general public, social at economic services kung saan nakapaloob dito ang mga priority projects na tutugon sa kinakaharap na pagsubok ng lungsod dulot ng climate change.
Una rito ay ang pagtatayo ng rainwater harvesting facility na isasama sa mga disenyo ng school building at iba pang gusali para matugunan ang water shortage lalo na sa panahon ng El Niño, pagsasaayos ng drainage system sa poblacion at iba pang urban barangays at pagpapagawa ng mga seawalls.
Kabilang din ang mga proposed construction ng multi-purpose buildings na may inclusion at naka-desenyo rin bilang evacuation centers, at mga programa para mapalakas ang solid waste management at environment protection.
Patuloy din ang mga isinasagawang proyekto sa Tingga Labac Eco-Park katuwang ang pribadong sektor.
Napag-usapan rin sa pulong ang pagsasaayos at pagdadagdag ng mga public school buildings upping matugunan ang tumataas na bilang ng mga mag-aaral at bilang paghahanda sa Regional Athletic Association Meet na nakatakdang ganapin sa Batangas City sa 2026.
Kabilang sa prayoridad ng CDC ang paglalaan ng budget para sa basic school supplies sa mga mag-aaral ng pampublikong paaralan at panukalang pagbili ng lupa para sa school expansion projects.
Kasama rin dito ang pagpapagawa ng apat na palapag na gusali ng City Health Office upang patuloy na makatugon sa itinakdang standard ng Department of Health (DoH) gayundin ang completion ng command center at mga functionalities nito sa pamamagitan ng pag-iinstala ng mga systems at programs.
Nakalahad din dito ang mahahalagang proyekto at programa ng iba’t ibang tanggapan ng lokal na pamahalaan upang patuloy na maiiangat ang kalidad ng serbisyo publiko.
Ang inaprubahang AIP 2025 ay nakatakdang i-endorso sa Sangguniang Panlungsod.
Dumalo sa full council meeting ang mga miyembro ng CDC kabilang ang mga city at barangay officials, city government department heads at division chiefs, kinatawan ng civil society organizations (CSOs) at child representatives sa City Council for the Protection of Children na sina Mikaela Joy Magnaye at Nicolo Simon Balina. (MPDC/PIA-Batangas; may ulat mula sa PIO Batangas City)