27.2 C
Manila
Biyernes, Disyembre 27, 2024

Kaingat sa Maisug

ULTIMONG BIGWAS

- Advertisement -
- Advertisement -

Kung ang isalubong sa iyong pagdating

ay masayang mukha’t 

may pakitang giliw

lalong pakaingata’t kaaway na lihim

siyang isaisip na kakabakahin.


                  Francisco Balagtas

NAGMISTULANG bombang sumabog ang pagpalabas sa diumano’y video na nagpapakita kay Pangulo Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na sumisinghot ng “pulvoron,” tawag sa mataas na uri ng shabu. Mahaba-haba na ring panahon ang nagdaan magmula nang unang ibulgar ang isyu ng maanghang na vlogger na si Maharlika. Kaya nang sa wakas ay ilabas niya ito sa rali ng Maisug sa Los Angeles, California, USA kamakailan, talaga namang mabaliw-baliw sa tuwa ang mga nananawagan na magbitiw na sa pwesto si Bongbong.

Mantakin nyo nga naman. Nabulgar nang totoong durugista ang presidente. E, gago na lang talaga ang Pilipino kung pagtatagalin pa nila si Bongbong sa tungkulin.

Kaya eto ngayon, lulong na naman ang bayan sa walang patubanggang rali kung saan-saan. Bawat isa ay natatatatakan ng salitang “Maisug,” na sa Bikolano ay nangangahulugan ng “matapang” o “mabangis.”

- Advertisement -

Meron pa nga bang higit pang tatapang sa isang kilusan na ang pangunahing laman ay ang pagbulgar sa presidente bilang adik sa iligal na droga. Sa isang rali, buong ngitngit at kahambugang ipinahayag ng Digong, “Sinasabi ko sa inyo ngayon, meron tayong presidente ngayon na putangina, adik.”

Naku, hiyawan sa galak ang mga taksan-taksan na Duterte alipores. Malinaw nang naaaninag nila ang dagundong ng pagsambulat ng isa na namang rebolusyong people power upang tulad ng pagpapatalsik kay Presidente Ferdinand E. Marcos Sr.  noong 1986 ay sapilitang iluklok sa poder ang isang di-halal na kapalit.

Kapag isinigaw mo na mag-resign na si Bongbong, ano sa totoo lang ang gusto mong mangyari? Na humalili bilang Prsidente si Sara Duterte.

Dapat unawain, samakatwid, na ang mga panawagan para sa people power ay taliwas sa binanal na prinsipyo ng demokratikong halalan.

Sabihin nang totoong 2 milyon ang lumahok sa Rebelyong People Power ng 1986, pero gaano na ito kumpara sa 56 milyon na Pilipino nang panahong iyun?

Sa totoo lang, simula nang 1986, people power ang naging sangkalan ng mga korap na pulitiko upang sumunggab ng kapangyarihan na hindi sa pamamagitan ng demokratikong proseso. Ano ang sumunod na kahalintulad ng EDSA 1? Ang EDSA 2 na nagpatalsik kay Presidente Joseph Ejercito Estrada at nagluklok kay Bise Presidente Gloria Macapagal Arroyo bilang kahalili sa pamamagitan lamang ng pagpapasumpa ni Supreme Court Chief Justice Hilario Davide. Bumuwelta si Erap ng EDSA 3 dapat, ngunit naunsiyami. Humantong na lamang iyun sa ganap na pagpapailalim ni Erap sa mga prosesong ligal. Pumayag siyang makulong  sa V. Luna Memorial Hospital. Pagkaraan ng isang panahon, bumalik siya sa magandang katayuan sa pulitika at nagkasya na lamang sa pagiging Mayor ng Maynila.

- Advertisement -

Mahalagang pansinin sa mga pangyayaring ito na kapwa sa EDSA People Power 1 at EDSA People Power 2, ang namumukod na pangunahing tagasindi ng apoy ay ang Estados Unidos.

Noon pang 1982, idinidikdik na ng Amerika si Presidente Ferdinand E. Marcos Sr. dahil sa anila’y hinihingi nitong negosasyon para sa karagdagang milyun-milyun pang dolyares para sa upa ng mga base militar ng Estados Unidos sa Pilipinas. Ito ang matingkad na punang tinanggap ni Marcos mula sa American Press Association na kanyang hinarap sa pagdalaw sa Washington nang taon na iyun.

Mangyari pa, pinabulaanan ni Marcos na humingi siya ng milyun milyung dolyares na dagdag na upa para sa mga base militar ng Amerika, subalit totoo na sa pagsipot ng 1985 ay naitakda na ang panibagong negosasyon para sa usaping ito. Hindi pagtatakhan samakatwid na hangarin ng Amerika na pigilan ito kung kayang gawin.

Kaya pagpasok ng Disyembre 1985, pinilipit ng Amerika ang braso ni Marcos upang pumayag sa snap presidential elections.

Naganap ang eleksyon noong  Pebrero 1986. Sa ilalim ng  Konstitusyon, ang dapat na susunod na halalang pampanguluhan ng Pilipinas ay 1987. Kung bakit ipinipilit ng Amerika na ang eleksyon ay gawin na noong 1986?

Walang nakatalang sagot sa tanong. Subalit isang matingkad na isyu ng panahong iyun ay ang napipintong muling pagtaas ni Marcos sa upa ng mga base militar ng Amerika sa Pilipinas. Maliwanag na hindi mapipigil ang pagtaas hangga’t nananatiling presidente si Marcos.

Kailangan pa bang ulit-ulitin ang bagay na maliwanag na rin naman?

Papaano papalitan si Marcos now na?

Papaano pa kung hindi sa pamamagitan ng snap polls o eleksyon maaga pa sa takdang panahon.

Fast forward upang patunayan na ito nga ang totoo.

  1. Limang taon na si Cory bilang presidente. Walang naganap na pagtaas ng upa ng mga base militar ng Amerika sa Pilipinas. Subalit ayon sa Military Bases Agreement (MBA) ng 1947, magtatapos ang mga baseng ito sa 1991. Kuntodo lobby ang ginawa ni Cory upang ipasa ng senado ang resolusyon na magpapahaba sa MBA ng sampung taon pa. Kinailangang iluklok ng Amerika si Cory bilang presidente upang tiyakin na hindi lamang wala nang dagdag na upa ang maipapataw sa mga base militar ng Kano kundi upang siguruhin din na mapapalawig pa ang buhay ng mga baseng ito.

Subalit sa bisa ng boto ng Magnificent 12 (Jovito Salonga, Rene Saguisag, Agapito “Butch” Aquino, Joseph Estrada, Aquilino Pimentel Jr., Juan Ponce Enrile, Sotero Laurel II, Victor Ziga, Teofisto Guingona, Wigberto Tanada, Orlando Mercado, at Ernesto Maceda), ang mga senador na bumutong patayin ang resolusyong magpapahaba sa buhay ng MBA, tuluyan nang nawakasan ang mga base militar ng Amerika sa Pilipinas.

Bigo, kung ganun, ang layunin ng Amerika sa pagpakulo nito sa People Power ng 1986.

Subalit hindi ito ang mahalagang usapin kaugnay ng kasalukuyang kilusang Maisug.

Ano?

(Tatapusin sa Miyerkules)

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -