29.2 C
Manila
Huwebes, Enero 2, 2025

Pagsalubong sa Tagumpay: Team Pilipinas sa 2024 Paris Olympics

- Advertisement -
- Advertisement -

Huling bahagi

SA pagbubukas ng 2024 Paris Olympics nitong Sabado, Hulyo 27, ipinakilala ng Pilipinas ang 22 atletang Pinoy na maghaharap-harap sa iba’t ibang larangan ng sports upang ipamalas at ipakita ang kanilang husay sa pandaigdigang entablado.

Ang paglahok na ito ay hindi lamang isang mahalagang pangyayari para sa bansa kundi pati na rin isang pagdiriwang sa ika-100 taon ng pakikilahok ng Pilipinas sa Olympics.

Pagkilala sa natatanging atleta

EJ Obiena

Nangunguna sa mga atleta ng Pilipinas si EJ Obiena sa larangan ng athletics, partikular sa pole vault, kung saan siya ang unang pumasa sa pamantayan ng Paris Olympics matapos ang kanyang tagumpay sa Bauhaus-Galan leg ng Diamond League sa Stockholm, Sweden.

Si Obiena ay kilala sa kanyang pagkamit ng mga ginto sa Asian Athletics Championships at SEA Games, at nakapagtala ng Asian record sa pole vault na anim na metro.

John Cabang Tolentino (kanan)
Lauren Hoffman

Kasama rin sa pambansang koponan ang mga na sina John Cabang Tolentino, na may rekord sa men’s 110m hurdles, at si Lauren Hoffman, na kabilang sa women’s 400m hurdles. Sila ay nagpakita ng husay at determinasyon sa kanilang mga larangan, rason kung bakit sila ay napabilang sa Paris Olympics.

Kasaysayan at dedikasyon sa artistic gymnastics

Carlos Yulo

Sa ikalawang pagkakataon, napabilang muli si Carlos Yulo sa Olympics matapos ang kaniyang matagumpay na pagsali sa World Artistic Gymnastics Championships.

Bukod sa kanyang mga pagkapanalo sa World Championships at Asian Championships, si Yulo ay isa sa mga pinakamalakas na kandidato para sa medalya sa floor exercise at iba pang events.

Aleah Finnegan, Levi Ruivivar, at Emma Malabuyo

Kasama rin sa koponan sina Aleah Finnegan, Levi Ruivivar, at Emma Malabuyo, na nagdala ng karangalan sa Pilipinas sa larangan gymnastics. Ang kanilang mga pagkapanalo sa mga kompetisyon tulad ng SEA Games at World Cups ay nagpapatunay sa kanilang kakayahan at dedikasyon sa kanilang sport.

Ang paglalakbay ng mga boksingero sa Olympic glory

Nesthy Petecio, Carlo Paalam, Eumir Marcial, Aira Villegas at Hergie Bacyadan

Sa larangan ng boksing, handa ring magharap-harap ang mga bituin na sina Nesthy Petecio, Carlo Paalam, Eumir Marcial, at Aira Villegas. Si Petecio, na nag-uwi ng silver noong nakaraang Olympics, ay patuloy na nagpapakitang-gilas sa kanyang mga laban. Samantala, si Marcial, isang Olympic bronze medalist, ay nakatakdang mapabilang sa mga pinakamahuhusay na boksingero sa men’s 80kg division.

Higit pang nagpapalakas sa delegasyon ng Pilipinas sa Paris Olympics ay si Hergie Bacyadan, na nakapag-qualify sa kategoryang 75kg. Sa pamamagitan ng kanyang kasigasigan at angking galing, nakamit niya ang pwesto sa pamamagitan ng 2nd Olympic Boxing Qualification. Bukod sa kanyang paglahok sa boksing, si Bacyadan ay kilala rin sa kanyang mga tagumpay sa vovinam at wushu, kung saan nagtagumpay siya sa 2023 World Championships at 2017 World Championships, ayon sa mga rekord

Pag-angat sa timbang sa weightlifting

John Ceniza

 

 

Eireen Ando
Vanessa Sarno

Sa weightlifting, naglaro sa 61kg men’s division si John Ceniza, habang si Elreen Ando at Vanessa Sarno naman ay nagbigay-pugay sa Pilipinas sa mga kategorya ng women’s 59kg at 71kg. Ang kanilang mga pagkapanalo sa SEA Games at Asian Championships ay nagpapatibay sa kanilang posisyon bilang mga pangunahing manlalaro sa 2024 Paris Olympics.

Pagkamit sa iba’t ibang larangan

Sam Catantan
Joanie Delgaco

 

Sa fencing, si Sam Catantan ay nagpapakita ng kaniyang galing sa women’s foil event, habang si Joanie Delgaco naman ang kauna-unahang Filipina rower na kwalipikado para sa Olympics sa kanyang kategorya.

Bianca Pagdanganan at Dottie Ardina

Sa golf, sina Bianca Pagdanganan at Dottie Ardina ay nagpapatuloy sa kanilang mga tagumpay sa pangunguna sa kanilang mga kompetisyon.

Kiyomi Watanabe

Kabilang din sa mga kalahok sina Kiyomi Watanabe sa judo, na sa pangalawang pagkakataon ay nakapasok sa Olympics matapos ang kanyang tagumpay sa continental qualification.

Kayla Sanchez

Si Kayla Sanchez sa swimming, na dati nang nagrepresenta para sa Canada at nagtagumpay sa 2020 Olympics, ay makakasama sa Team Pilipinas sa kanyang paglahok sa women’s 100m freestyle.

Jarod Hatch

Si Jarod Hatch, na bumalik mula sa pagreretiro upang muling ipagpatuloy ang kanyang karera sa swimming sa Paris Olympics, ay makikilala rin sa kanyang tagumpay sa mga nakaraang SEA Games.

Pagsaludo mula kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Sa kanyang pangatlong State of the Nation Address nitong nagdaang linggo, binati ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang 28 atletang Pilipino na nakahanda para sa 2024 Paris Olympic at Paralympic Games. Pinuri niya ang kanilang determinasyon at pagmamahal sa bayan, na nagbibigay-inspirasyon hindi lamang sa kanilang mga kasamahan sa sports kundi sa buong bansa.

Pinasalamatan naman ni Philippine Olympic Committee (POC) President Abraham “Bambol” Tolentino si Pangulong Marcos Jr. sa suportang ipinapakita sa mga atleta.

“Thank you, PBBM, for your kind wishes for the athletes at the Olympics. It’s definitely inspiring and it’s an extreme boost to the morale not only to our athletes competing in Paris, but to the entire Philippine sports” aniya.

Pagtahak sa landas ng tagumpay

Sa kabila ng mga pagsubok, ang paglahok ng Pilipinas sa 2024 Paris Olympics ay patunay ng pagtitiwala sa kakayahan ng mga atletang Pilipino na magtaguyod ng karangalan para sa bayan. Ang bawat atleta ay nagdala ng kanilang sariling kwento ng determinasyon at tagumpay, na nagpapatunay na sa kabila ng mga hamon, ang mga Pilipino ay patuloy na nangunguna sa larangan ng internasyonal na paligsahan.

Hangarin at pag-asa ng Pilipinas sa Paris Olympics

Ang pagtungo ng 28 na atleta ng Pilipinas sa Paris, kabilang ang anim na Paralympians, ay nagpapakita ng matatag na pagtataguyod sa kakayahan at potensyal ng Pilipinas sa larangan ng pandaigdigang palakasan. Layon ng koponan na lampasan ang kanilang tagumpay sa Tokyo at magdala ng karangalan sa bansa sa kanilang ika-100 taon ng pagdiriwang sa Olympics.

Sa mga susunod na linggo, asahan ang masusing pagtutok at pagsuporta mula sa buong bansa para sa mga atletang Pinoy na kasalukuyang nakikipaglaban sa 2024 Paris Olympics. Hangad ng bawat Pilipino ang tagumpay at ang pagwawagi ng mga atleta, na naglalarawan ng tapang, talino, at pagkamakabayan ng bawat kinatawan ng atletang Pilipino.

Sa pagtatapos ng Paris Olympics, hindi lamang ang mga medalya ang magsisilbing patunay ng tagumpay ng Pilipinas, kundi ang patuloy na pag-usbong at pag-unlad ng atletikong kakayahan ng bansa sa pandaigdigang entablado.

Mga larawan mula sa file ng The Manila Times

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -