DAPAT kasama ang mga pamilya ng mga overseas Filipino workers sa mga pangunahing makikinabang sa mga pamumuhunan na binanggit ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa kanyang State of the Nation Address (SONA) nitong Lunes, ani Sen. Robinhood “Robin” Padilla.
Ani Padilla, dapat maghanap ang pamahalaan ng paraan para tiyaking hindi na kailangang pumunta sa ibayong dagat ang mga magulang at Pilipinong manggagawa para kumita para sa kanilang anak at pamilya.
“Dapat gumawa tayo ng paraan at hanapin ng paraan na foreign investors makapasok sa bayan natin para ang ating mga kababayan na OFW na nasa ibang bansa makauwi na, makasama nila pamilya nila. Napakahalaga ng pamilya, yan ang pundasyon ng bansa,” aniya.
“Nabanggit (sa SONA) ang mga OFW, ang ating mga bayani, nabanggit yan kasi napag-usapan magkano pinasok ng ating OFW na dolyares. Nabanggit po pero hindi nabanggit ang kailan dadating ang pagasa na uuwi ang ating OFW na makakabalik sa kanilang mga pamilya,” dagdag niya.
Ayon kay Padilla, napakaraming pamilyang Pilipino ang hindi makabuhay nang normal dahil ang mga magulang ay napilitang iwanan ang anak para kumita sa ibang bansa.
Marami sa mga magulang ang kailangang magtrabaho sa hiwalay na bansa, dagdag niya.
“Masasabi nating tunay na lumalaki ang mga dumadating na pera galing sa ating OFW at dapat natin ikasaya yan. Pero hindi dapat yan ang maging mindset ng mga Pilipino, ang nasa utak natin makaalis ng Pilipinas para umasenso,” giit ni Padilla.