25.1 C
Manila
Miyerkules, Enero 22, 2025

‘Si Matsing at si Pagong’ at ang pagdiriwang ng ‘National Children’s Book Day’

PUWERA USOG PO

- Advertisement -
- Advertisement -

ISANG lahok sa isang pambansang paligsahan sa pagsulat ang nakaagaw ng aking pansin. Bagama’t hindi ito nanalo ay nag-iwan naman ito ng impresyon sa akin. Pinangahasan kasi ng may-akda na muling isalaysay ang isang lumang kuwento sa pananaw ng isang tauhang kadalasa’y siya ang ‘kontrabida’ sa kuwento. Ang tinutukoy ko ay ang kuwentong ‘Si Matsing at Si Pagong’ na alam nating isang popular na kuwentong-bayan o folktale.

Ang poster ng NCBD ngayong taon ay may kaugnayan sa ‘promotion of peace’

Ang kuwentong-bayan ay mga salaysay na nagpasalin-salin sa ilang henerasyon hanggang sa umabot sa ating kasalukuyang panahon. Madalas ay hindi na natin alam kung sino ang orihinal na may akda nito. At gaya ng ibang kuwento, kapag napasalin ang kuwento, may mga nagkukulang o nadadagdag dito. Hindi nalalayo sa mga kuwentong hatid ng mga ‘marites.’

Patuloy nating linangin ang kultura ng pagbabasa sa mga bata’t kabataan

Sa bersiyong ito na pinamagatang ‘Hinaing ng Inaping Matsing,’ sa point of view o pananaw ni Matsing nakalahad ang kuwento. Sa pagkakaalala ko, ganito niya sinimulan ang kuwento: ‘Alam n’yo ba ang tunay na nangyari nang nakapulot kami ng puno ng saging ni Pagong sa tabi ng dalampasigan?’ Nag-aanyaya ang salaysay na tuklasin ang totoong nangyari sa isang salaysay mula sa akusadong si Matsing na lagi na lamang kontrabida sa lahat ng retelling ng ‘Si Matsing at Si Pagong.’

Aba, heto na at magsasalita na si Matsing!

 


Sabi niya, sa lahat daw ng muling pagsasalaysay ng kanilang kuwento ni Pagong, lagi na lang na siya ang lumalabas na masama. Pero hindi raw ganu’n. Nang araw daw na napulot nila ang puno ng saging at napagdesisyunang hatiin ito upang itanim, binigyan daw niya ng pagkakataong unang mamili si Pagong sa dalawang bahagi ng puno. Bukod daw sa mas matangkad siya kay Pagong, gentleman naman daw siya. E ang kaso, pinili raw ni Pagong ang bahaging may ugat. ‘Yun rin daw kasi ang kanyang pipiliin.

‘Hello! Sino naman ang pipili sa bahaging walang ugat? Paano ‘yun tutubo?’ sabi pa niya. Sa puntong ito ay naaliw ako sa salaysay ni Matsing. Nakuha na niyang lubusan ang atensiyon ko. Kaya hayun, dinala na ni Pagong ang bahaging may ugat at itinanim na. Siya naman daw ay walang ibang pagpipilian kaya nagbaka-sakaling itinanim ang natirang bahagi (yung may dahon nga). Gaya nang inaasahan, nalanta ang kaniyang halaman at namatay. Samantala, nag-usbong at lumaki ang puno ng saging ni Pagong.

Hanggang dumating sa puntong namunga na ang saging at nagsimula nang mahinog. Kailangan nang pitasin! Dito hiningi ni Pagong ang tulong ni Matsing sa pagpitas ng mga bunga. Na pinagbigyan daw niya kasi’y hindi nga naman ito makakayang akyatin ni Pagong. Ang kaso, noong nasa tuktok na siya ng puno, napansin niya ang magandang tanawin sa paligid kung kaya’t naagaw daw ang pansin niya. Ang bango pa raw ng hinog na saging kaya nilantakan niya ito. Nalimutan daw niya na hinilingan lamang siya ni Pagong na akyatin ang puno at mamitas ng hinog na saging. Naubos ang mga hinog na saging nang di niya namamalayan! Puro balat na lang ng saging ang umabot kay Pagong. Nang pababa na raw siya ng puno, natusok siya ng mga tinik na nakatusok sa katawan ng puno. Sangkaterbang tinik ang nandoon! Nasaktan siya’t nasugatan kaya galit na galit siya kay Pagong!

Sa naturang muling pagsasalaysay ng isang lumang kuwento, muling naging interesting ang kuwento nina Matsing at Pagong. Nabihisan kasi ang isang kuwentong luma na’t gasgas. Kung aalamin natin ang pananaw ng isang tauhan sa kuwento, may panibagong pananaw itong ihahatid sa atin. Kaya masarap na muling basahin. Ang ganitong pakikialam sa isang kuwento ay naghahatid ng panibagong tuwa. Isa rin itong pagtunghay sa papel ng ‘point of view’ (POV) sa isang maayos na pagkukuwento. Kaninong point of view (POV) ba nakalahad ang kuwento? Sa tipikal na kuwentong naririnig natin tungkol kina Matsing at Pagong, ang kadalasang point of view ay nasa ‘third person.’ Ito naman kasi ang pinaka-common na point of view sa pagkukuwento.

- Advertisement -

Nababago ang lahat kapag may pinili na tayong tauhan upang magsalaysay. ‘Yun bang sa kanyang pananaw mailalahad ang buong kuwento. First person POV ang ginamit ng retelling na ito nina Matsing at Pagong. Isipin n’yo, si Matsing pa ang may ganang magkuwento ng kaniyang bersiyon ng kuwento! Pero inaliw niya tayong totoo.

Pero alam n’yo bang malaki ang kaugnayan nina Matsing at Pagong sa idaraos na National Children’s Book Day sa Hulyo 16?  Taon-taon, tuwing ikatlong Martes ng Hulyo, ang buong bansa ay ipinagdiriwang ang Pambansang Araw ng Aklat pambata. Ano ba’ng nangyari sa araw na ito at naging mahalaga ito sa ating mga manlilikha ng aklat pambata? Dito kasi sa araw na ito nalathala ang retelling ni Dr. Jose Rizal ng kuwentong-bayan na The Monkey and the Tortoise (Ang Matsing at Ang Pagong). Hindi man orihinal na kuwento ni Dr. Rizal, pinangahasan niyang muling maisalaysay ito ayon sa pagkakatanda niya. Sinasabing ang kuwentong-bayang ito ay nagmula sa mga katutubong Bagobo ng Mindanao.

Kalaunan, ipinadala ni Dr. Rizal ang kopya ng kaniyang retelling ng ‘The Monkey and The Tortoise’ sa isang journal sa London, ang Trubner’s Oriental Record, isang babasahing laan para sa mga panitikan mula sa Timog-Silangang Asya (Far East). Nalathala ito sa naturang journal noong ikatlong Martes ng Hulyo ng taong 1889. Ito ang dahilan kung bakit tuwing ikatlong Martes ng Hulyo ang napiling araw upang ipagdiwang ang National Children’s Book Day. Ang naturang journal na naglalaman ng kuwento nina Matsing at Pagong ay matatagpuan pa rin sa ‘Asian and African Reading Room’ ng British Library.

Ang ahensiyang nasa likod ng pagdiriwang nito ay ang Philippine Board on Books for Young People (PBBY) na siyang nakatunghay sa patuloy na pagyabong ng panitikang pambata sa bansa. Ang paksang napili sa pagdiriwang ng National Children’s Book Day ngayong taong ito ay may kaugnayan sa ‘promotion of peace’: Payapa ang puso ng batang nagbabasa. Ano ang papel ng aklat at ng pagbabasa sa pansariling kapakanan? Pinagiging payapa ba nito ang ating sarili sa kabila ng mga chaos at conflict na nagaganap, sa loob man o labas ng sarili? Gaganapin ang selebrasyon nito sa Martes ng umaga sa Tanghalang Ignacio Gimenez sa Cultural Center of the Philippines. Si Kristine Canon, isang guro, children’s book author, at peace advocate, ang magiging panauhing tagapagsalita.

Ang mga bumubuo ng PBBY board

Ang PBBY ay binubuo ng mga sectoral representatives mula sa iba’t ibang sektor na may kaugnayan sa paglalathala ng aklat pambata. Sa kasalukuyan, ang bumubuo ng PBBY board ay ang mga sumusunod: para sa sector ng publishers (Frances Ong), writers (ang inyong lingkod, Luis Gatmaitan), illustrators (Liza Flores), educators (Ramon Sunico at Victor Villanueva), librarians (Zarah Gagatiga), researchers (Dina Ocampo), media (Emily Abrera), booksellers (Paula Cabochan Reyes), storytellers (Rey Bufi), book reviewers (KB Meniado), reading advocacy groups (Twinkle Caro-Sicat ng Reading Association of the Philippines); at may tatlong institutional members – ang CCP (kinakatawan ni Beverly Siy), ang National Library of the Philippines (kinakatawan ni Jose Tomasito Fernando), at Museo Pambata (kinakatawan ni Nina Lim-Yuson). Si Ani Rosa Almario naman ng Adarna House ang tumatayong Secretary-General ng PBBY.

Maganda ring banggitin na tatlong National Artists ang naging kabahagi sa pagtatatag ng PBBY noong 1983: sina Lucresia Kasilag (National Artist for Music), Virgilio S. Almario (National Artist for Literature), at Larry Alcala (National Artist for Visual Arts).

- Advertisement -

Sa pagdiriwang natin ng ika-40 taon ng National Children’s Book Day, alalahanin natin ang walang-kamatayang kuwento nina Matsing at Pagong, at kung paanong ang folktale na ito ay naging katangi-tangi sa mata ng ating pambansang bayani. Kung hindi namuno si Dr. Jose Rizal sa mga isyu ng kaniyang panahon, maaaring patuloy na namulaklak ang kanyang panitik sa larang ng panitikang pambata sa bansa.

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -