29.6 C
Manila
Linggo, Disyembre 22, 2024

Mitsa ng World War 3: Totoong pinaglalabanan sa South China Sea

- Advertisement -
- Advertisement -

MALAKING pangmulat sa kaisipan ang ibinunga ng aming almusal ni kaibigang Jun Simon sa Cafe Adriatico noong nakaraang linggo. Kilala bilang dating Mayor Brigido Jun Simon ng Quezon City, naging aktibong tagatulak si Jun ng mga adhikaing makabansa, partikular sa larangan ng enerhiya at kuryente. Tutol siya sa kontrol sa sektor na ito ng mga oligarko na ayon sa kanya ay siyang dahilan ng pagtaas ng halaga ng kuryente. Abangan na lamang kung ano ang bisa ng kanyang mga gawain sa larangan na ito.

Maraming suliranin ng masang Pilipino ang napagtuunan ng aming pansin, at kung magagawa lamang na lutasin sa mga higop ng kape at nguya ng bibingka ang mga problema ng bayan, disin sana’y masaya na si Juan.

Seryoso si Jun sa kinahahantungan ng sigalot sa pagitan ng China at Pilipinas sa South China Sea. Pinakahuli sa mga insidenteng tinukoy niya ang halos pang-aabot na ng mga pwersa ng China Coast Guard (CCG) at Philippine Coast Guard (PCG) na nagbunga ng pagkaputol sa hinlalaki ng tripulanteng Pilipino. Nitong mga kagyat na nakaraang araw, maliwanag ang pahayag ni Pangulo Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na isang-isang buhay lang ng Pilipino ang masawi sa nagpapatuloy na girian ng CCG at PCG, maaari nang ituring iyun na akto ng digmaan at humihingi ng kaukulang hakbang.

Ano pa bang ibang hakbang kundi ang probisyon ng Mutual Defense Treaty (MDT) ng 1951 — giyera.

Ayon sa tratado, ang pag-atake sa Pasipiko sa alinman sa Pilipinas at Amerika ay ituturing na pag atake sa isa pa na humihingi ng kaukulang ganting-salakay.


Maliwanag sa pahayag ng pangulo na ang talagang tinutungo ng kanyang kaisipan ay pagamit na nang husto sa Amerika sa layuning giyerahin ang China.

Tinutulan ni Simon ang malaganap na paniwala na ang pinag-aawayan ng Pilipinas at China ay ang kayamanan ng karagatan sa South China Sea, halimbawa langis.

“Totoo, langis din ang tawag doon, pero iyun ay isang turing lamang, pangalang ikinabit sa isang kailangang sangkap ng halos lahat na ng kagamitan sa modernong teknolohiya. Tinatawag na new oil, ito ang micro chip na nagpapatakbo sa lahat ng makabagong makinarya. Gamit ito ng iyong cell phone, ng iyong kotse, ng iyong laptop, ng iyong toilet, ng iyong mga makinang pang-industriya, ng iyong mga sandatang pandigma, ng iyong mga satellite na pangkalawakan, ng iyong mga bombang nukleyar, etc.”

Sa paliwanag ni Simon, ang tawag sa mga micro chip ay semiconductor. 92% ng kabuuang bilang nito sa daigdig ay gawa ng Taiwan Semiconductor Manufacturing Corporation (TSMC); ang natitirang 8% ay gawa ng South Korea.  Sa panahon na maaliwalas ang kalagayang pulitikal sa Taiwan, nagawang magtayo ng sangay ng TSMC sa Arizona. Nagbukas iyun ng malaking pagkakataon sa Amerika upang sumakmal sa monopolyo ng Taiwan sa micro chip. Subalit sa paggiit ng China sa One China Policy, na rito ang Taiwan ay isang probinsya lamang ng China, ang inaasahang partisipasyon ng Amerika sa monopolyo ng Taiwan sa micro chip ng daigdig ay nanganganib na  mapigilan. Kaya kailangang gumawa ng hakbang ang Amerika. Noong 2014, pinirmahan ni Presidente Benigno Aquino 3rd ang Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) na nagbibigay sa Amerika ng karapatang magdeploy ng mga pwersa at kagamitan sa mga base militar ng Pilipinas na para bang ang mga baseng iyun ay pag-aari ng Amerika. Bukod sa libre na ang paggamit ng Amerika sa mga baseng iyun, hindi pa pwedeng pakialaman ng mga awtoridad ng Pilipinas ang kahit na ano, tao man o bagay, na idedeploy ng Amerika sa mga baseng iyun. Bagaman sinasabi ng EDCA na bawal ang sandatang nukleyar, walang katiyakan na ito ay masusunod dahil nga hindi maaaring inspeksiyunin ng Pilipinas ang alinman sa mga kagamitang itatayo roon ng Amerika.

- Advertisement -

Sa pagsisimula ng administrasyon ni PBBM, inaprubahan niya ang apat pang karagdagang baseng EDCA para sa Amerika. Ayon kay Simon, iyun ang paniyak ng Amerika na hindi mangangahas ang China na sakupin ang Taiwan. Sa pamamagitan ng mga baseng EDCA, magaan nang makapagtatayo ng mga lunsaran ng mga missile na pangontra sa anumang maaaring pag-atake ng China sa Taiwan.

Ang maya’t-mayang girian na halos umabot na sa totoong salpukan ng CCG at PCG sa South China Sea ay normal na operasyong pagpapatupad ng kani-kaniyang batas pangkaragatan ng China at Pilipinas. Pinapuputok lamang ito ng Amerika upang pagmukhaing giyera laban sa China upang pipilan nga ang plano nitong ipilit ang One China Policy sa Taiwan. Aayaw dito ang Amerika at mga kaalyado nitong kanluranin at Asyano dahil kapag nangyari ito, mapupunta sa China ang monopolyo sa micro chip.

Nagpupuyos sa galit si Simon, “Ang Amerika, tutulong sa mga Pilipino kapag inatake? Bullshit! Ininda ba nila ang milyong mga namatay sa Ukraine at Palestine? Ang pinaghahandaan ng Kano ay ang pakikipagdigma sa China upang mapangalagaan ang Taiwan at ang monopolyo nito sa micro chip — ang  mitsa ng World War 3 kapag nagkataon.”

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -