TULOY-TULOY ang pagdating ng mga trabaho para sa mga Novo Vizcayano ngayong taon mula sa Department of Labor and Employment.
Ayon kay Gerardo Nicolas, Livelihood Projects Unit head ng DoLE Nueva Vizcaya Field Office, P22 milyon ang nakalaan sa pag-uumpisa ng third quarter ngayong taon upang mabigyan muli ng trabaho ang mahigit 3,000 na Novo Vizcayanos sa ilalim ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/ Displaced Workers.
Dagdag pa nito na ang pondo ay hiniling ni Representative Luisa Cuaresma sa kanilang ahensiya kung saan magtratrabaho ng 15 araw ang mga kwalipikadong mamamayan at tatanggap ng P450 na arawang sahod ang bawat isa.
Ayon pa kay Nicolas, ang trabahong handog ng Tupad program ay paglilinis sa mga kanal, pagpapanatili ng ganda at pagtatanim sa kanilang komunidad at iba pa.
Sinabi ni Nicolas na kamakailan lamang ay nakapagbigay sila ng P19 million para sa sahod ng 2,765 na manggagawa sa ilalim ng Tupad Program sa second quarter sa lalawigan. (BME/PIA NVizcaya)