NAGKAROON ng talakayan sina Sen. Robinhood “Robin” Padilla at ang mga senador ng Czech Republic tungkol sa mga batas na sumasakop sa paggamit ng medical cannabis doon.
Inimbita rin ni Padilla ang mga Czech senator na bumisita sa Pilipinas, matapos magtanong ang isa tungkol sa paggamit ng acupuncture bilang alternatibong paggamot.
Kasama sa talakayan sina Sen. Roman Kraus, tagapangulo ng Committee on Health; Sen. Lumir Kantor, vice-chairman ng komite; Sen. Vera Prochazkova, miyembro ng kumite; at Silvie Mejdrechova, kalihim ng kumite. Si Sen. Prochazkova ang nagtanong tungkol sa paggamit ng acupuncture sa Pilipinas.
Sa pagpupulong, napag-usapan nila ang mga batas sa Czech Republic tungkol sa medical cannabis; ang pagbabawal sa synthetic cannabis derivatives na masama sa kalusugan; at ang hinaharap ng cannabis regulation sa Czech Republic.
Natuwa rin si Padilla na nakamit ni Philippine Ambassador to Czech Republic Eduardo Martin Meñez ang pagtulungan ng dalawang unibersidad sa Czech Republic ng mga programa at training para sa mga Pilipino.
Nagpasalamat din si Padilla sa magandang bilateral relation ng dalawang bansa.