27.9 C
Manila
Biyernes, Nobyembre 22, 2024

Babala ni Imee Marcos: Atake sa 25 base natin

LANGIT AT LUPA

- Advertisement -
- Advertisement -

SA Facebook at Tiktok, nagbabala kamakailan si Senador Imee Marcos tungkol sa pagtarget ng China sa 25 lugar sa Pilipinas dahil ipagagamit ito sa hukbong Estados Unidos (US) sa ilalim ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA). Kung pakikinggan siya ng sambayanan, makaiiwas tayo sa malaking pinsala at kamatayan.

“May nakita akong plano ng China — 25 targets.” Iyon ang nakatitik sa ibabaw ng pangalan at video ni Senador Imee, ang panganay ng kapatid ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. Paliwanag ni Imee:

“Aminin natin ang problema dahil sa tingin ng China, kumampi na tayo sa kalaban nila. Nagbigay tayo ng 17 base militar, iyong EDCA sites. Talagang mainit ang ulo nila. Natatakot talaga ako habang nag-iinit doon sa West Philippine Sea. May nakita akong plano ng China gamitin iyong hypersonic missile. … At nakatakda na iyong 25 target nila.”

Hypersonic missile ang raket pambombang lumilipad nang 1.7 hanggang 8.6 kilometro bawat segundo. Hindi ito kayang depensahan ng kasalukuyang armas. Naglalagay ang US ng panlaban sa malawak nitong base militar sa Guam, subalit dalawang taon pa bago maipuwesto ang kontra-hypersonic dahil sinasaliksik pa ito bagaman may mga sandata nang hypersonic ang Rusya at China, at ginagamit ito sa giyera sa Ukraina.

“Sabi ng US hindi nila kayang labanan ang hypersonic missile,” ani Imee. “Mas lalo akong ninerbiyos.”


Ang sekreto ng EDCA

Dapat magpasalamat tayo kay Senador Imee sa pagbubulgar ng malaking panganib ng mga baseng EDCA na pilit ikinukubli ng Amerika at ng sarili nating pamunuan at pahayagan. At malamang gayon din ang gawin sa babala ni Imee.

Sa katunayan, isa’t kalahating taon nang itinatago ang peligro ng EDCA. Noong Marso ng nagdaang taon, isang buwan matapos pahintulutan ni Presidente Marcos gamitin ng US ng mga baseng EDCA, inetsapuwera ng media ang babala ni dating Pangulong Rodrigo Duterte tungkol sa mga base.

“Mga platapormang pandigma” ang tawag ni Duterte sa kanila, at kung magkagiyera, “pauulanan tayo ng missile,” sabi niya sa dalawang oras na panayam kay Pastor Apollo Quiboloy sa estasyong SMNI.

- Advertisement -

Subalit binalewala ng media si Duterte bagaman ugali nilang ilagay sa bungad ng balita ang sinumang dating pangulo na babatikos sa mga patakaran ng kasalukuyang pinuno. Lalo na kung atake sa bansa ang pinag-uusapan.

Maliwanag sa gayong pagkukubli na hawak ng Estados Unidos ang media at gayon din ang pamunuan ng bansa. Wala ring imik ang mga politiko at opisyal sa nakagigimbal na babala ni Duterte na batay sa sinabi sa kanya ng embahador ng China — aatakihin ang mga base kung magkadigma at gamitin sila ng US.

Sa totoo lang, alam ito ng mga pinuno ng gobyerno at hukbo natin, lalo na ang mga opisyal ng Department of National Defense (DND) at Armed Forces of the Philippines (AFP). At maging mga media at ekspertong militar sa US nagsasabing aatakihin ng China ang mga paliparang gagamitin ng mga puwersang Amerikano sa giyera.

Panoorin ninyo ang war games o larong giyera ng Center for New American Security (CNAS) kung magkadigma ang China at Amerika sa Taiwan. Mga pitong minuto mula sa simula ng video, inaasahan ng CNAS na aatake ang mga eroplanong pandigma ng US mula sa mga base sa Pilipinas, at gaganti ang China laban sa atin sa ika-10 minuto (https://www.cnas.org/publications/video/cnas-on-meet-the-press).

Subalit walang gayong pahayag ang mga opisyal at media natin. Sa halip, nang buksan ni Marcos ang mga baseng EDCA sa US noong Pebrero ng nagdaang taon, agad sinabi ng dating hepe ng AFP mismo, si retiradong Heneral Carlito Galvez Jr., ang officer-in-charge noon sa DND, na “hindi dapat ikabahala ang mga baseng EDCA.” At hindi siya sinalungat ninumang pinuno o media.

Malamang gayon ding pagmaang-maangan ang gagawin kay Senador Imee. Balak ng mga opisyal ng pambansang seguridad kausapin siya dahil wala raw silang alam na napipintong atakeng hypersonic. At kung mabalewala ang babala ni Imee gaya ng kay Duterte, matutuwa ang Amerika.

- Advertisement -

Kawawa ang nasa base

Paano naman ang libu-libong Pilipinong nasa loob at paligid ng mga base, kabilang ang mga pamilyang sundalo? May dalawang baseng EDCA sa Cagayan at tig-isa sa mga lungsod ng Cebu, Cagayan de Oro at Puerto Princesa, sa mga lalawigan ng Nueva Ecija at Pampanga, at sa isla ng Balabac, Timog Palawan. At nabanggit din Senador Imee ang Batanes at Ilocos kabilang ng 25 target ng China.

Ngayon, pati Hapones papasok dito. Para raw ito sa pagsasanay militar, pero batid ng mga heneral and ekspertong paghahanda rin ito sa posibleng digmaang Taiwan. At sinabi mismo ng dating komandante ng hukbong US sa Asya-Pasipiko na sa 2027 may kakayahan na ang China lusubin ang Taiwan.

Makinig nawa si Presidente Marcos kay Ate Imee at sa ama rin nila. Noong 1975, nag-alala si Pangulong Ferdinand Marcos Sr. na dahil sa mga base militar ng US, nanganganib tayo sa atake at pati bomba atomika.

Hindi dapat hayaan ni Marcos gamitin at ipahamak tayo ng Amerika gaya ng Ukraina.

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -