28.1 C
Manila
Huwebes, Enero 2, 2025

Mga dahilan kung bakit hindi nakasama ang Pilipinas sa 5 bansa sa Asya na naging industrialized pagkatapos ng World War 2

TINGIN SA EKONOMIYA

- Advertisement -
- Advertisement -

BAKIT hindi nakasama ang Pilipinas sa limang bansa sa Asya na naging industrialized at high-income pagkatapos ng World War 2? Ano ang mga polisiyang nagbunsod upang tayo ay maiwan sa likod ng landas ng industriyalisasyon at kaunlaran?

Ang manufacturing sector ay isa sa mga dynamic sectors ng ekonomiya na maaaring magpalukso ng isang emerging economy para maging industrialized at high-income. Ito ang plataporma na ginamit ng Japan, at ang apat na Newly Industrialized Economies (NIEs) na kinabibilangan ng Singapore,Taiwan, South Korea at Hong Kong para lumago at maging fully developed. Ang Pilipinas ay isa sa mga mabilis na umuunlad na bansa sa Asya na sumusunod sa Japan sa antas ng GDP growth noong 1950s ngunit sa mga sumusunod na dekada, nawala ang kinang ng kanyang ekonomiya.

Hindi nakasama ang Pilipinas sa Japan at apat na NIEs sa kaunlaran dahil sa mga polisiya na hindi pinalitan at patuloy na pinairal kahit noong nalamang limitado na ang options para palaguin ang manufacturing sector. Ito ay ang polisiya ng import substitution na kung saan nagtakda ang pamahalaan ng matataas na tariff rates at quantitative restrictions (QRs) para masuportahan ang mga domestic infant industries o ang mga industriyang lokal na bagong tatag. Nagtaas ng Pilipinas ng tariffs na umaabot sa 100% noong 1949. Nagtatag din ng sistema ng import classification na kung saan ang mga produktong unessential at semi-essential ay binawalang iangkat mula sa ibang bansa para walang kumpetisyon ang infant industries. Ang pinapayagan lang na imports ay ang mga hilaw na sangkap at ilang intermediate goods na ginagamit sa produksyon na hindi “available domestically in sufficient quantities.”

Ang mga pagbabawal sa importasyon ay tinatawag na quantitative restrictions (QRs). Base sa estadistika, noong 1970, 23.2% ng total number ng produkto ay di maaaring iangkat sa ibang bansa o kaya kailangan ng lisensiya bago mag-import. Ngunit ang lisensiya para mag-import ay hindi ibinibigay nang mabilisan at, kadalasan, ay kailangan pa ng padulas. Tumaas pa ang mga produkto na may QRs sa 32.3% noong 1980 nang nagsimula nang maramdaman ang balance-of-payments (BOP) problem. (Table 3)

Dahil sa mataas na tariff rate at QRs, tumaas ang presyo ng mga bilihin sa mga palengke ng bansa. Ang pagtaas ng mga presyo kumpara sa inaangkat sa labas ay tinatawag na “effective protection.” Ang kawangis nito ay “tulong” na pinansiyal sa lokal na prodyuser at “penalty” naman sa lokal na consumer na siyang nagbabayad sa “tulong” na ito. Sa economics, may sukatan ito na ang tawag ay effective protection protection rate (EPR). Ang EPR ay base sa formula na tariff rate sa final product less tariff rates sa inputs na weighted gamit ang corresponding input-output coefficients ng produkto. Ang EPR ay naka-express sa bahagdan o percentage terms relative sa value added. Ipinapakita ang average EPR ng Pilipinas sa Table 1 at nakasaad na ang EPR ay 44.2% sa Pilipinas noong 1978. Ang ibig sabihin nito, pinataas ang presyo ng mga bilihin ng 44.2% kumpara sa presyo kapag inangkat ito sa ibang bansa o ang tinatawag na border price. Mas tataas pa ito kapag may QR dahil, gaya ng naipakita natin sa kaso ng bigas sa nakaraan, higit na dumodoble ang presyo kahit 35% lang ang taripa dahil binabawasan ng ahensiya ang ibinibigay na permit kumpara sa mga naga-apply para dito.


Ipinapakita rin ang average EPR ng mga Asean countries sa Table 2. Ang Pilipinas ang may pinakamataas na EPR kumpara sa Asean countries. Pinakamababa ang EPR sa Singapore na 5.6% ngunit siya ang nagtala ng pinakamataas na GDP growth rate (8.7%) noong period ng 1960 hanggang 1980. Ang ibig sabihin nito, sa annual growth na 8.7% sa 20 taon, umakyat ang GDP ng Singapore ng 5.3 beses mula sa 1960 na antas nito.

Pinakamataas ang EPR ng PIlipinas na 44.2% ngunit siya ang may pinakamababang GDP growth rate na 5.7% lamang bawat taon. Sa 20 taon, umakyat lang ang GDP ng Pilipinas ng 3.0 beses.

Sumusunod sa Pilipinas ang Indonesia na bahagyang mas mataas na GDP growth rate na 5.8% at mas mababang EPR na 33.0%. Umakyat ang GDP ng Indonesia ng 3.1 beses. Nasa gitna ng Indonesia at Singapore ang Thailand at Malaysia na may EPR na 29.4% at 15.3%, at annual average GDP growth na 7.1% at 7.8%, respectively.

Ano ang mga dahilan nito? Kumpetisyon — iyan ang nawawala kapag masyadong mataas ang EPR.

- Advertisement -

Una, kapag mataas ang EPR, nakaliligtaan ng domestic industry na maghanap ng pinaka-efficient na paraan ng pagprodyus ng mga produkto. Dahil sila ay may “captive market”o siguradong walang makaagaw sa kanilang share sa domestic market, hindi nila kailangang pag-igihan ang kalidad ng kanilang produkto. Hindi nila kailangang maghanap ng magandang teknolohiya at mahusay na pagmamanneho para bawasan ang gastos sa produksyon o kayaý gandahan ang kalidad ng produkto. Dahil kampante ang local producer sa kanyang kinatatayuan, naging infant industry na sila nang pangmatagalan na taliwas sa hangarin ng pagbibigay ng protection.

Ikalawa, kapag mataas ang presyo ng mga bilihin, limitado ang kakayahan ng domestic industry na mag-export. Wala siyang protection sa labas ng bansa kaya, hindi niya kayang mag-export at kuntento na siya sa domestic market. Limitado ang kanyang market kaya limitado rin ang kanyang kakayahang palakihin at palaguin ang negosyo at pababain ang presyo. Dahil mahina ang exports at gumagamit ang protektadong industriya ng imported na sangkap, kadalasan, ang bansa na gumagamit ng estratihiyang ito ay nagkakaroon ng balance-of-payments (BOP) problems pagkatapos ng anim hanggang 10 taon na mataas na economic growth.

Ikatlo, dahil ang consumer ay “captive market” at naiipit sa mga presyong matataas, limitado ang pagkakataon na mag-expand ang domestic demand para mabili ang mga produkto ng domestic industries. Kailangan din ng mataas na minimum wage para makayanan ang presyo ng basic commodities. Dahil dito, mas mataas ang manufacturing wages at dehado ang Pilipinas sa paghikayat ng mamumuhunan.

Ikaapat, dahil sa laki ng agwat ng border price at domestic price, malaki ang insentibo ng smuggling at undervaluation ng imports. Mula 1970 hanggang 1980, base sa agwat ng estadistika ng ating bansa at mga estadistika ng ating mga trading partners na ipinapablis ng International Monetary Fund o IMF (ang exports nila ay imports natin), tinatayang 26.4% ng imports ng Pilipinas ay smuggled o undervalued; hindi naitala sa ating mga trade statistics ang average na $649 milyon bawat taon.

Ang economic history ng Asean ang nagpapakita na sa kumpetisyon nahuhubog ang galing ng mga namumuhunan, tagapangasiwa at manggagawa. Ang Singapore na may maliit na populasyon, pinakakakaunting natural resources, at pinakamaliit na domestic market ang nanguna sa GDP growth rate noong 1960-1980. Ang Singapore din ang may pinakamababang EPR na 5.6% lamang. Ngunit dahil gumalaw ang mga tauhan sa kanilang industriya para pag-aralan ang kagustuhan ng merkado at pag-igihin ang kanilang produkto at serbisyo, naitaguyod nila nang mahusay ang pagpasok sa international market. Di nila kailangang pilitin ang mga konsumer na pasanin ang bigat ng pansamantalang kahinaan ng mga industriya. Mabilis na naging magulang ang kanilang infant industries.

TABLE 1. PHILIPPINES: TARIFF PROTECTION

Average Nominal Tariff Rate (%) Effective
Protection
Agriculture Mining Manufacturing Overall Rate (%)
1981 43.23 16.46 70.3 34.6 44.2
1985 34.61 15.34 31 27.6           35.3
1990 34.77 13.97 27.49 27.84           35.6
1995 27.99 6.31 13.96 15.87           20.3
2000 14.4 3.27 6.91 7.95           10.2
2005 11.85 2.47 7.29 7.81           10.0
2010 11.94 2.28 6.18 7.02             9.0
Sources: Tariff Commission, except for 1981 and 1985 which were from Bautista, “The 1981-1985 Tariff Changes and the Effective Protection Rate of Manufacturing Industries”, 1980

- Advertisement -

Department of Finance

Table 2. ASEAN: EFFECTIVE PROTECTION RATE
AND ANNUAL GDP GROWTH RATE Effective
Protection Annual
Rate (EPR) GDP Growth
1978 1960-1980
ASEAN 25.5 7.0
Indonesia 33.0 5.8
 Malaysia 15.3 7.1
Philippines 44.2 5.7
 Singapore  5.6 8.7
Thailand 29.4 7.8
Source: International Financial Statistics and Tariff Commission
Table 3. NUMBER OF REGULATED COMMODITIES
Number of % Regulated
PSCC Lines (of Total PSCC Lines)
Subject to Import Restrictions
Total Number of PSCC Lines 5,632 100
1970 1,307 23.2
1980 1,820 32.3
1985 1,802 32
1986 827 14.7
1987 653 11.6
1988 598 10.6
1989 470 8.3
1990 463 8.2
1991 439 7.8
1992 160 2.8
1993 253 4.5
1994 246 4.4
1995 222 3.9
1996 161 2.9
Source: Erlinda Medalla, “Trade and Industrial Policy Beyond 2000: An Assessment of the Philippine Economy”  (1998)

 

 

 

 

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -