26.5 C
Manila
Linggo, Disyembre 22, 2024

P&G pinasalamatan ng PCUP sa patuloy na pagtulong sa mga maralita

- Advertisement -
- Advertisement -

LUNGSOD QUEZON, Kalakhang Maynila — Taos-pusong nagpasalamat ang Presidential Commission for the Urban Poor (PCUP) sa suportang ibinibigay ng Proctor and Gamble Philippines sa mga programa ng ahensya na nagpatibay sa mandato nitong magkaloob ng serbisyo sa mga maralitang tagalungsod.

Ayon kay PCUP chairperson, Undersecretary Elpidio Jordan Jr., kinikilala ng pamunuan ng ahensya ang malaking tulong ng P&G sa donasyon nila ng mga hygiene kit na nagkakahalaga ng mahigit PhP2 milyon para sa mga caravan ng ahensya at iba pang pro-poor activities na kanilang isinagawa simula pa noong 2019.

Umabot sa 45 caravan ang naisagawa ng PCUP sa mga piling lugar sa NCR, Luzon, Visayas at Mindanao bago ang pagkakaroon ng pandemyang coronavirus, at pansamantalang natigil ito sa pagpapairal ng mga Covid-19 lockdown at naibalik lamang ngayong taon.

“Masuwerte tayo na mayroon tayong mga partner tulad ng Proctor and Gamble na walang sawang nagbibigay sa atin ng suporta at materyal na tulong para sa kapakanan ng ating urban poor. Kung wala ang mga katulad ng P&G, tiyak na mahihirapan tayong magampanan ang ating mandatong pagtulong sa ating mahihirap na pamilya sa bansa,” pinunto ni Jordan.

Nagpahayag ang opisyal ng optimismo na lalawig pa ang tambalan ng PCUP at P&G at iba pang mga matulunging kompanya para sa pagtulong sa mahihirap nating mga kababayan.

“Makakaasa ang lahat ng mga stakeholder na magkakaisa tayo sa pagtutulungan upang maitaguyod natin ang pagtalima sa adhikain ni Pangulong (Ferdinand) ‘Bongbong’ Marcos (Jr.) na matugunan ang hinaing ng bawat mamamayang Pilipino,” idiniin ng kalihim.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -