30.9 C
Manila
Miyerkules, Enero 15, 2025

Salot sa China ang POGO. Bakit pinapayagan dito?

LANGIT AT LUPA

- Advertisement -
- Advertisement -

ALING bansa ang nagbunsod ng Philippine Overseas Gaming Operators o POGO na binabatikos ngayon sa Kongreso at media?

Maraming agad ituturo ang China. Mangyari, maraming hindi alam na bawal sa China ang mga laro at sugal na pinagkakakitaan ng POGO. Kaya nga sila nagtayo ng operasyon sa ibang bansa, kabilang ang Pilipinas, dahil ilegal sila sa China.

Kaya kung ipagbabawal ng Kongreso ang POGO, lalong matutuwa ang China. Sa katunayan, hiniling ng embahada nito noong nagdaang linggo na “ipagbawal ng Pilipinas sa maagang panahon ang POGO upang buwagin itong salot sa lipunan.”

Pero walang hinto ang batikos sa China tungkol sa POGO na para bang ipinilit sa ating papasukin at palaganapin sila sa ating bansa.

Mali! Tayo ang nagpapasok at malamang umakit pa sa mga POGO upang kumita ng dolyar ang Pilipinas, makakolekta ng buwis ang gobyerno at upa ang mga gusali, at makibahagi sa bilyun-bilyong pisong pondo ng POGO ang Philippine Amusement and Gaming Corp. o Pagcor, ang ahensiyang namamahala ng mga kasino at iba pang larong pinagkakakitaan.


Kung ipagbabawal at ipasasara ang mga POGO, unang papalakpak ang China dahil mababawasan ang mga kriminal na nagsasamantala sa mga mamamayang Chino.

“Ipinagbabawal ng batas ng China ang lahat ng uring sugal,” pahayag ng embahada. “Nagbubunsod ang pogo ng mga malubhang krimen gaya ng kidnaping, pagbebenta ng tao, at pagpatay. … masinsinan ang tulungan at talastasan ng mga ahensiyang nagpapatupad ng batas sa China at Pilipinas at nagsagawa ng maraming magkatuwang na operasyon upang bawasan ng sugal at pandaraya gamit ang telekom.”

Hindi China ang dapat sisihin sa paglaganap ng mga POGO sa Pilipinas, kundi ang gobyerno nating nagpahintulot sa kanilang magtayo rito ng operasyong kontra sa mga batas ng China at nagbibiktima ng napakaraming mamamayan dito at sa ibayong dagat. At nagbubunsod pa ng krimen at katiwalian gaya ng droga.

Basta China, kontrabida

- Advertisement -

Ang baluktot na balitaktakan tungkol sa mga POGO ang isa sa mga kakatwa ngunit nakababahala ring talakayan ng mga politiko at media tungkol sa anumang usapin tungkol sa China.

Basta may kinalaman sa China, agad binabatikos,nilalait, tinutuligsa, pinaghihinalaan o pinangangambahan. Kulang na lang ipagbawal ang pansit at siopao dahil nanggaling ang mga kakaning iyon sa China.

Dahil sa ganitong negatibong pananaw at pagtrato sa China, nagpahayag ang mga samahan ng mga Pilipinong may lahing Chino, kabilang ang Federation of Filipino-Chinese Chambers of Commerce and Industry (FFCCCI), na dapat maghunos-dili ang mga pinuno at media ng bayan sa pagkondena sa China at mga Chino.

Paano nga ba sumama nang lubha ang pananaw at paggalaw ng mga Pilipino, lalo na ng mga pinuno at media, tungkol sa China. Pangunahing dahilan ang girian ng Philippine Coast Guard (PCG) at ng katapat nitong tanod-baybayin ng China.

Pero bakit tumindi at dumami ang mga insidente ng PCG at Chinese Coast Guard (CCG)? Sagot: sumama ang relasyon natin sa China matapos ipagamit ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Estados Unidos (US) ang siyam na base ng Armed Forces of the Philippines (AFP).

Balak gamitin ng US ang mga base kung magkagiyera sa China, lalo na sa islang Taiwan. Ilang ulit itinanggi ng Pangulo ang paggamit sa mga base para sa digmaang Taiwan, ngunit binalewala ito ng Amerikano. Kaya tumindi ang sigalot natin sa China.

- Advertisement -

Hindi iyon kataka-taka. Tayo man magagalit at babagsik kung may karatig-bansang magpapagamit ng mga base militar sa bayang makakalaban natin sa digma.

Sa kabilang dako, sinususugan naman ang mga nakababahalang balita ng mga pabor ipagamit ang mga baseng AFP sa Amerika. Kung matakot at magalit sa China ang Pilipino, mas papaya tayong papasukin ang hukbong US, bagaman maaari tayong atakihin dahil sa mga baseng ipagagamit sa Amerikano.

Halimbawa, pinalalaki sa media ang pagkakita sa isang POGO ng mga unipormeng militar ng China. Bagaman sinabi mismo ng AFP na maaaring kostiyum lamang ang mga gayak, kung anu-ano nang sapantaha ang umiikot na may mga espiya o sundalong Chino sa POGO.

Matatawa lamang maging ang mga sundalo natin. Alam nilang walang kawal o espiyang nagkukubli ang magdadala ng unipormeng magbubulgar sa kanila. Pero dahil hindi ito naiisip ng madla, walang tigil ang komentaryo tungkol sa espiya sa POGO.

At walang tigil din ang gulat di-umano ng politiko at media sa mga krimeng nagaganap sa POGO. Pero bakit tayo magtataka kung may nagaganap sa POGO na labag sa batas? Hindi ba ilegal mismo ang POGO sa China?

Kung payagan nating magtayo rito ang mga kompanyang tahasang lumalabag sa mga batas ng China, huwag tayong magtaka kung lumabag din sila sa mga batas at panukala ng Pilipinas. Ito ang resulta ng pag-akit natin sa mga negosyong itinuturing na kriminal sa China.

Noong mga panahong nagdaan, lumago ang kalakalang opyo na pinagkakitaan ng mga bansang Europeo at nagbiktima sa milyun-milyong Chino. Ngayon, tayo naman ang nakikinabang sa isa pang industriyang bawal sa China.

Hindi dapat pagkakitaan ang pagkalulong ng madla, sa opyo man o sa POGO.

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -