31.5 C
Manila
Sabado, Nobyembre 23, 2024

Ang mga ‘Pinoy Art Masters’ sa National Art Gallery sa Singapore

PUWERA USOG PO

- Advertisement -
- Advertisement -

NANG maging ‘country of focus’ ang Pilipinas sa ginanap na Asian Festival of Children’s Content (AFCC) sa Singapore kamakailan, napagpasyahan ng buong delegasyon ng mga Pinoy na bumisita sa kanilang National Gallery. Ito’y ayon na rin sa paanyaya ni Patrick Flores, isang Pinoy na naninirahan sa Singapore at dating guro sa UP Diliman. Isa na rin siya sa mga curators ng National Gallery Singapore.

Ang obrang pinamagatang ‘Christ’ ni Ang Kiukok. Kasama ng kolumnistang ito sina Neth Wong ng Singapore at Dante ‘Klink’ Ang ng NBDB.

Sa pangunguna nina Dante ‘Klink’ Ang at Charisse Aquino-Tugade, ang Tagapangulo at Executive Director respectively ng National Book Development Board (NBDB), maaga pa’y tinungo na namin ang naturang gallery. Moderno at maluwang ang naturang lugar. Mainit naman kaming sinalubong ni Patrick Flores na nasasabik ding i-tour ang mga kababayan. Mas masarap libutin ang naturang gallery kung ang isa sa curators nito ay ating kababayan.

Ang obrang ‘Defend Thy Honor’ ni Fernando Amorsolo

Kapansin-pansin na may lugar ang mga bata sa naturang gallery. Ipinakita nila sa amin ang isang kuwarto kung saan malayang nakapagpipinta ng kahit ano ang mga bata. May mga manila paper, water color, tubig, at iba pang art materials na avalaible gamitin ng mga bata. Hands-on o interactive ang naturang gallery. Ang mga bata ay nakapaglalaro habang natututo sa mga artworks na naka-exhibit. Pati ako ay sumubok magpinta sa watercolor habang nakikipagkuwentuha sa isang kaibigan.

Isa pang obra ni Amorsolo na pumapaksa sa Japanese occupation

Sa pagbisita naming ‘yun, ang spotlight ay nakatuon kay Cheong Soo Pieng (1917-1983), isa sa pioneer art masters ng Singapore. Ang naturang special exhibit tungkol sa kanya ay tinawag na ‘Layer by Layer’ at ang project director nito ay ang ating si Patrick Flores.

Ang “Dancing Mutants’ ni H.R. Ocampo

Namangha kami sapagkat nakita namin ang iba-iba niyang painting na nagpapakita rin ng kanyang ebolusyon bilang artist. Malawak ang sakop nang ginamit niyang material at medium sa kanyang mga obra. Sa special exhibit na ito, ipinakita ang scientific method of analysis sa kanyang paglikha ng mga obra kagaya ng X-ray scan, infrared photography, at microscopic and cross-section analysis.


Obra ni Juan Luna
Obra ni Felix Resurreccion Hidalgo

Matutunghayan dito ang paglikha niya ng sining ‘layer by layer.’ Sumilip pa nga ako sa isang microscope upang tunghayan ang magnified version ng isang bahagi ng kanyang painting. Impressive!
Lalo akong namangha nang makitang ang isang kuwarto roon ay naglalaman ng mga piling obra ng mga maestro sa sining ng ating bansa. Matiyagang ipinapaliwanag ni Flores ang konteksto nang pagkalikha ng mga naturang painting. Ang mga nakita kong obra ay gawa ng mga Filipino masters na gaya nina Juan Luna, Felix Resurreccion Hidalgo, H.R. Ocampo, Fernando Amorsolo, Botong Francisco, at Ang Kiukok. Karamihan dito ay noon ko lamang nakita. “That is one of Hernando Ocampo’s best. It is entitled Dancing Mutants,” ayon kay Prof. Felipe De Leon Jr, isang art expert at dating Tagapangulo ng National Commission for Culture and the Arts (NCCA), nang makita niya ang aking post sa Facebook tungkol dito. Ang pinakapamilyar sa akin na obra ni H.R. Ocampo ay ang kasalukuyang ginagamit ng Cultural Center of the Philippines bilang bahagi ng disenyo ng main theater nito.

Dr. Luis Gatmaitan, ang kolumnista ng artikulong ito na nag-pose sa obra ni Botong Francisco

Isa sa umagaw ng pansin ko ay ang likha ni Fernando Amorsolo na pinamagatang ‘Defend thy honor’ kung saan nakapinta ang wari’y mag-asawa na tutop ng babae ng dibdib habang may hawak na itak ang asawang lalaki, handang ipaglaban ang kanyang kabiyak. Kita ang takot at tensiyon sa mga tauhan sa painting. Hindi ito tipikal na hitsura ng mga painting ni Amorsolo na mas kilala natin sa kanyang mga maririkit na eksena sa gitna ng bukid o ng mga dalagang mayuyumi na nagpipiknik.
Ayon kay Flores, ang painting na ito ay tungkol sa Japanese occupation sa ating bansa at maaaring ang eksenang nakapinta ay nakabatay sa isang pangyayari noong sinakop tayo ng mga Hapon. Noong panahon na ‘yun, walang sinasanto ang mga sundalong Hapones. Kahit sinong babae ang magustuhan nila, dalaga man o may asawa, at kahit dalagita pa lang, ay kanilang ginagalaw. Naging mas malinaw sa akin kung bakit gayon ang naging pamagat ng painting. Handang ipaglaban ng lalaki (sa painting) ang kanyang kabiyak laban sa sino mang nais lumapastangan!
Isa pang painting ni Amorsolo na binanggit niya sa amin na tignan naming maigi ay ang isang obra kung saan maraming pangyayari ang nagaganap sa isang tagpo. Makikita na may mga babaeng nakayakap sa mga sundalong Hapones. Makikita rin sa foreground ang isang babaeng nakaupo’t nagtitinda ng gulay na waring walang suot na saplot habang nakakalilis ang palda/saya. Ito’y nagpapahiwatig sa atin ng mga nakitang eksena ni Amorsolo noong panahon ng Hapon. Hindi pala lahat ng babae noon ay dinaan lamang sa dahas. Mayroon ding kusang pumatol sa mga sundalong Hapones.
Ipinakita rin sa amin ni Flores ang eksibit ng mga pinalakihang props na ginamit niya para sa shadow puppetry. “Iyong aktuwal na props na ginamit namin sa shadow puppetry ay magagaan lamang, at maliliit. May nakadugtong itong stick para magsilbing handle ng mga puppets. Nilakihan ko lamang ang size ng mga props para sa eksibit na ito,” kuwento pa ni Flores, ang mismong curator ng naturang eksibit.
Nakita ko rin sa isang section ng gallery ang isang film showing na ang ipinapakita ay ang film clips at interview bago ang assassination ni Ninoy Aquino at kung ano ang naging reaksyon ng mga tao matapos ang naturang pagpaslang kay Aquino (may kasama itong English subtitle).
Napansin ko na may isang pambihirang kuwarto sa loob ng gallery na kung tawagin ay ‘calm room.’ Isa itong ‘safe and empowering space for sensory and emotional rest.’ Natuwa ako na may ganitong kuwarto sa loob ng isang gallery. Bihira akong makakita ng art gallery na naglalaan ng espasyo para sa mga taong nais magpahinga. Hindi ko na ito nagawang pasukin pa sapagkat marami pa kaming pinuntahang exhibit sa loob ng gallery.
Ang pagbisita sa Singapore ay di dapat limitahan lamang sa pagpunta sa mga landmarks nito gaya ng Merlion, Sentosa Island, Universal Studios, Marina Bay Sands, at Gardens by the Bay. Maganda ring maglaan ng panahon sa pagbisita sa mga museum at gallery.

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -