26.7 C
Manila
Biyernes, Enero 10, 2025

Mga dahilan ng pag-depreciate ng  mga  currencies sa Asya

TINGIN SA EKONOMOYA

- Advertisement -
- Advertisement -

BAKIT nagde-depreciate ang mga currencies sa Asya? Ano ang kahulugan ng paggalaw na ito sa produksyon, investment at paglikha ng trabaho?

Sa paggalaw ng currency madalas mabanaagan ang lakas ng isang ekonomiya. Kapag panatag ang currency ng isang bansa, may kumpiyansa ang mga may hawak ng financial assets sa bansang ito. Panatag ang loob nila na di maapektuhan ang halaga ng mga assets nila kahit na madilim ang  mga alapaap sa world economy. Di masyadong magalaw ang currency kahit may external risks na gumagapang sa paligid. Dahil dito, di  ilalabas ng mga namumuhunan ang kanilang assets at ililipat sa kabilang bansa.

Sa kabilang dako, kapag masyadong matatag ang currency, mawawalan ng competitiveness ang exports nito sa pandaigdigang merkado lalo na kung mas mataas ang inflation rate nito kaysa sa mga trading partners nito. Kung naga-appreciate ang currency, mas maliit ang matatanggap ng exporter (ganoon din ang mga OFW)  sa bawat $1 na kita sa export. Ang kaltas sa kita ng exporter ay bawas sa kanyang kapasidad na makipagkumpetensiya sa pandaigdigang merkado.

Kapag masyado namang magalaw ang currency, maaaring gatungan nito ang domestic inflation lalo na kung nanggagaling sa imports ang malaking bahagdan ng mga produktong kinokonsumo ng mga mamamayan. Sa ganang Pilipinas, lahat ng langis na ginagamit ng mga sasakyan at malaking bahagdan ng bigay ay galing sa imports. Kapag masyadong mabilis ang depreciation, tumataas ang gastos sa pagdala ng mga produkto mula sa mga sakahan at paktoria payungo sa mga merkado. Dahil dito, tumataas ang presyo ng mga pangunahing bilihin lalo na ang langis at bigas. Baka ito ang maging mitsa ng paghatak ng inflation paakyat.

Sa ganitong sitwasyon, ang pinakamagandang gawin ng isang bansa ay ibalanse ang interes ng mga exporter at  OFW sa interes ng mga importer—hayaang gumalaw ang exchange rate nang naaayon sa galaw ng mga presyo sa domestic at export markets.

Dahil sa mataas ang interest rates sa Estados Unidos (USA) na dahil din sa patuloy na pakikibaka sa mataas na inflation, halos lahat ng currencies sa mundo ay nagde-depreciate kontra US dollar. Kapang maraming giyera at awayan sa mundo at maraming geopolitical uncertainties, nangingibabaw ang  “flight to safety” o sitwasyon kung saan ililipat ng mga namumuhunan ang mga assets nila sa mga advanced countries. Ang mga may-hawak ng kapital ay lilipat sa mga malalakas na currency lalo na ang US dollar, Euro at Japanese yen. Hindi nakakapagtaka na simula noong Enero patuloy ang pag-depreciate ng mga currencies maski na ang mga pinaka-dynamic na ekonomiya ng Asya. Ayon sa global think-tank na Institute of International Finance (IFF), sa 2024, tinatayang $259 bilyon ang inaasahang aalis mula sa mga emerging economies mula sa portfolio investments ng mga dayuhan pabalik sa mga developed countries.

Sa unang limang buwan ng 2024, isa ang piso ng Pilipinas sa mga pinakamatatag na currencies sa Asya na kung saan nandito ang mga bansang pinakamabilis umunlad. Mula noong unang araw ng 2024 hanggang sa gitna ng Mayo, nag-depreciate ang piso ng 5.66% kontra sa US dollar kumpara sa 4.59% na average depreciation kontra US dollar ng 12 currencies sa Asya.  Ang piso ng Pilipinas ang nasa ikawalong  ranggo sa depreciation rate.   Pitong currencies kabilang ang Hong Kong dollar, Indian rupee, Chinese yuan, Singapore dollar, Malaysian ringgit  at Indonesian rupiah ang may mas mababang depreciation.  Apat ang mas mataas ang depreciation kabilang ang Taiwan dollar, Korean won, Thai baht at Japanese yen.

Ang piso ay gumagalaw kasabay sa mga malalakas na currencies sa Asya.  Ang volatility rate o antas ng paggalaw ng piso, na nasusukat ng coefficient of variation, ay 2.03%, mas mataas nang bahagya kumpara sa  1.78% na average volatility rate ng 12 currencies. Nasa ikapitong na puesto ang Pilipinas sa volatility rate. Ang mga least volatile na currencies ay HK dollar, Indian rupee, Chinese yuan, Singapore dollar, at Malaysian ringgit samantalang ang pinaka-volatile ay ang Japanese yen, Korean won, Thai baht, Taiwan dollar at Indonesian rupiah.

Ang dahilan kung bakit nasa gitna ang piso sa mga malakas at matatag na currencies sa Asya ay ang patuloy na magandang economic fundamentals ng Pilipinas. Ang balance-of-payments ay may surplus na $3.7 bilyon noong 2023, malapit ito sa 1% ng GDP. Ang Gross International Reserves (GIR) ay mataas sa $99.8 bilyon noong huling araw ng Abril, equivalent sa 7.4 months ng imports of goods and services. Malaki ito kumpara sa 2-3 months na sapat na, ayon sa IMF. Patuloy din ang mataas na GDP growth rate na umabot sa 5.6% noong nakaraang taon, ang pangalawang pinakamataas sa Asya, at sa 5.7% noong unang quarter, pangatlo sa Asya. Patuloy ang pagdausdos ng inflation sa 3.4% noong unang apat na buwan, nasa gitna ng 2-4% inflation target ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP). At mas mababa ang fiscal deficit ng National Government  noong Abril na 2.8% ng GDP kumpara sa  target sa buong taon na 5.9% of GDP. Dahil sa magandang fiscal performance at ang mabilis na pag-adjust ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) sa monetary settings, malakas pa rin ang investor confidence sa Pilipinas kahit na bumaba ang investment growth noong unang quarter sa mababang antas na 1.3% dahil sa mataas na interest rates. Patuloy din ang paglikha ng trabaho at paglago ng produksyon bagamat hindi ito kasing-bilis kumpara noong mga nakaraang taon.

Table 1. Asian Currency/ US$ 31-Dec-22 31-May-24 YTD DEPRECIATION DEPRECIATION RANK VOLATILITY Jan-May 2024* VOLATILITY Rank
China (CNY)            6.90 7.2418 2.00% 3 0.76% 3
Japan (JPY)        131.12          156.75 11.14% 12 3.85% 12
India (INR)          82.74            83.30 0.11% 2 0.24% 2
Philippines (PHP)          55.74            58.52 5.66% 8 2.03% 7
Singapore (SGD)            1.34              1.35 2.33% 4 1.07% 4
Korea (KRW)     1,260.33       1,385.03 7.28% 10 2.80% 11
Thailand (THB)          34.61            36.76 7.30% 11 2.75% 10
Vietnam (VND)    23,633.00      25,452.50 4.88% 6 1.97% 6
Malaysia (MYR)            4.40              4.71 2.48% 5 1.26% 5
Indonesia (IDR)    15,573.00      16,248.50 5.52% 7 2.23% 8
Hong Kong (HKD)            7.80              7.82 0.08% 1 0.11%  1
Taiwan (TWD)          30.73            32.53 6.36% 9 2.28% 9
Average     4.59%   1.78%
SOURCE: BLOOMBERG
*/ Coefficient of variation

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -