28.2 C
Manila
Miyerkules, Enero 15, 2025

Kabalikat sa Pagtuturo Act ni Revilla, isa nang ganap na batas

- Advertisement -
- Advertisement -

NILAGDAAN ni Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr. (PBBM) kahapon (Hunyo 3) ang ‘Kabalikat sa Pagtuturo Act’ na si Senator Ramon Bong Revilla Jr. ang principal author at sponsor.

Layon ng naturang panukala na bigyang pugay ang labis na pagisikap at dedikasyon ng mga public school teacher sa pamamagitan ng pagdadagdag ng kanilang taunang teaching allowance.

“Walang mapaglagyan ang aking pasasalamat at tuwa na mabalitaan na magiging batas na ngayong araw ang Kabalikat sa Pagtuturo Act. Ngayon pa lang ay labis na akong nagpapasalamat kay PBBM sa magiging pag-apruba ng aking panukala. Higit pang nakakatuwa na agad itong mapipirmahan ng Presidente matapos na pirmahan din niya ang aking mga panukalang amendment sa Centenarian Law at ang pagbabawal na sa ‘No permit, no exam’ policy. Ang magiging bagong batas na ito ay katuparan ng matagal nang hiling ng mga guro na magkaroon ng dagdag na panggastos para sa kanilang epektibong pagtuturo,” saad ni Revilla.

“This is truly a monumental day for our dear teachers. They will already reap the sweet fruits of our labor since we started championing this 5 years ago,” dagdag pa ni Revilla.

Base sa probisyon ng naturang batas, ang teaching allowance ng public school teachers ay madadagdagan ng mula P5,000 ay magiging P10,000 simula S.Y. 2025-2026.

“Sa kasalukuyan, ang natatanggap po na teaching allowance ng ating mga guro na mas kilala bilang ‘chalk allowance’ ay P5,000 taon-taon. Pero bunsod ng nagtataasang presyo ng bilihin, ito po ay hindi na sumasapat. Madalas nga ay naglalabas na sila ng pera galing sa sariling nilang bulsa upang may maipambili ng mga gamit sa pagtuturo. At hindi na rin lang chalk o iba pang supplies ang kinakailangan ngayon. Dahil sa blended modality ng pagtuturo, nandiyan na rin ang pangangailangan ng mga guro sa internet connection, kuryente, laptop, at iba pa upang makapagturo ng maayos,” paliwanag pa ni Revilla.

Ayon sa datos, ang public school teachers ay tumatanggap ng allowance para sa kanilang aktwal na pagtuturo. Noong 1988, sila ay tumatanggap lamang ng P100 allowance, P200 noong 1989-1992, P300 sa taong 1993-2007, P500 sa taong 2008, P700 sa 2009-2011, P1,000 sa taong 2012-2014, P1,500 para sa taong 2015-2016, P2,500 sa 2017, P3,500 sa 2018-2020, at P5,000 noong 2021 hanggang sa kasalukuyan.

“Nagpapasalamat tayo sa lahat ng naging kasangga at kakampi natin para maabot natin ang pangarap na ito. Sa aking mga kasamahan sa Senado lalo na sa mga coauthors, maraming salamat po. Pasasalamat din po sa ating mga kasamahan sa House of Representatives for joining us in our fight for the passage of this measure. Ultimately, maraming-maraming salamat sa mga guro na nangarap kasama namin. Ito ay panalo Ninyo. Ito ay panalo ng buong sektor ng edukasyon!” buong pagmamalaking pahayag ni Revilla.

Si Revilla na kilalang tagapagtaguyod ng kapakanan ng mga guro ay nagsabing “Isang hakbang pa lamang ito sa marami pa rin nating mga ipapasang panukala upang bigyang-sandata ang ating mga guro lalo na’t ang kanilang papel na ginagampanan sa buhay ng ating mga kabataan ay hindi matatawaran.”

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -