26.9 C
Manila
Martes, Enero 7, 2025

Gatchalian hinihimok ang LGUs na maging mapanuri sa mga serbisyong tumutulong sa mga POGO sa kanilang lugar

- Advertisement -
- Advertisement -

HINIMOK ni Senador Win Gatchalian ang mga local government units (LGUs) na maging mapanuri sa mga serbisyong tumutulong sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) sa kani- kanilang mga lugar at paalisin ang mga iligal na establisyimento. Ito’y kasunod ng pagsalakay sa isang iligal na ospital na umano’y gumagamot sa mga biktima ng POGO-related crimes.

“Ang business permit o mayor’s permit ay para matiyak ng mga kinauukulan na masubaybayan ang lahat ng negosyong tumatakbo sa loob ng kanilang mga lokalidad. Dapat maalis ng mga alkalde ang mga iligal na establisyemento na nag-ooperate sa kanilang mga lungsod at munisipalidad,” ani Gatchalian, na dating alkalde ng Valenzuela City.

Ginawa ng senador ang pahayag kasunod ng isinagawang raid ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) sa isang iligal na ospital na nag-o-operate sa Hobbies of Asia building, na malapit lang sa tanggapan ng Senado sa Pasay City. Ang ospital, na matatagpuan sa gitna ng ilang mga restaurant, ay pinamamahalaan ng mga dayuhang doktor at nurse na hindi lisensyado para sa kanilang propesyon sa bansa.

“Ang mga POGO ay lumilikha ng underground community o iligal na komunidad,” sabi niya, na binibigyang-diin na ang mga LGU ay dapat magkaroon ng mas aktibong papel sa pagsubaybay sa mga establisyimento at tiyaking walang mga iligal na establisyemento sa kanilang mga lokalidad.

“Ano pa ang silbi ng mayor’s permit o business permit kung hindi naman namo-monitor nang husto o napipigilan ng mga LGU ang mga iligal na gawain sa kanilang mga lugar,” aniya.

Gayundin, ang Department of Interior and Local Government o DILG, na nangangasiwa sa mga LGU, ay dapat magkaroon ng mas aktibong papel sa pangangasiwa sa mga LGU. “Dapat may sense of urgency ang DILG pagdating sa ginagawa nilang pag-iimbestiga,” ayon sa senador.

Kasalukuyang nagsasagawa ang Senado ng imbestigasyon sa sinasabing koneksyon ni Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo sa dalawang kumpanya ng POGO, na tinatawag na ngayong Internet Gaming Licensees, sa Bamban na ni-raid ng mga awtoridad noong Pebrero ng nakaraang taon at Marso ngayong taon.

Kamakailan lang ay ipinag-utos ni Interior Secretary Benhur Abalos sa National Police Commission (Napolcom) na alisin na ang police power ni Guo.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -