AABOT sa 66 ektaryang sakahan sa Brgy. Indalawan sa bayan ng Balabac ang mabibigyan ng proyektong irigasyon na itinayo ng National Irrigation Administration (NIA) sa nasabing lugar.
Ang proyektong patubig ay ang Indalawan Communal Irrigation System (CIS) na pinasinayaan noong nakaraang Mayo 15 sa pangunguna ni NIA Mimaropa Regional Manager Engr. Ronilio Cervantes.
Pagkatapos ng pasinaya ay agad ding isinalin ni Cervantes ang nasabing irigasyon sa pamamahala ng Samahang Maralita ng Maralitang Magsasaka ng Balabac Association, Inc. na pinamumunuan ni Eliseo Masangkay bilang presidente.
Ang bagong irigasyon ay binubuo ng 498-meter concrete canal lining na mabebenepisyuhan nito ang 66 ektaryang lupaing sakahan ng nasa 24 na mga magsasaka ng nasabing barangay.
Ayon kay Cervantes, ang proyekto ay isang napakahalagang milestone para sa pagpapaunlad ng agrikultura sa Palawan, tulad ng Brgy. Indalawan na kabilang sa Geographically Isolated and Disadvantaged Areas (GIDAs).
Dagdag pa ni Cervantes na ang mga magsasakang benepisyaryo ng proyekto ay makikinabang sa irigasyon para sa kanilang mga pananim, pagpapabuti ng mga ani ng palay, at makakatulong sa pagpapaunlad ng kanilang kabuhayan.
Nagpahayag naman ang Irrigators Association ng Indalawan ng kanilang taos-pusong pasasalamat sa NIA para sa pagsisikap ng ahensiya na makapagpatayo ng nasabing proyekto.
Ang inagurasyon ay dinaluhan nina Palawan Irrigation Management Office (IMO) Division Manager Engr. Armando Flores at mga kawani ng NIA-Palawan, Balabac Department of Agriculture (DA) Frederick Villanada, mga pinuno ng barangay council sa pangunguna ni Kapitan Jaime De Rosas, at mga miyembro ng IA. (OCJ/PIA Mimaropa-Palawan)