29.6 C
Manila
Miyerkules, Enero 15, 2025

Gatchalian: ‘Batang Magaling Act’ magbibigay katuparan sa libreng assessment, certification para sa SHS graduates

- Advertisement -
- Advertisement -

KASUNOD ng inilabas na joint guidelines sa libreng assessment at certification para sa mga mag-aaral ng senior high school sa ilalim ng technical-vocational-livelihood (TVL) track, muling isinulong ni Senador Win Gatchalian ang kanyang panukalang Batang Magaling Act (Senate Bill No. 2367) upang maging institutionalized ang programa.

Isa sa mga layunin ng Batang Magaling Act ang gawing institutionalized ang libreng national competency assessments at ang awarding ng National Certificates (NCs) kagaya ng nakasaad sa 2024 national budget. Sa taong ito, mahigit P438 milyon ang inilaan sa ilalim ng Tesda Regulatory Program para sa assessment at certification ng 420,900 na mag-aaral sa Grade 12. Matatandaang si Gatchalian ang nagpanukala ng pondo para sa programa noong deliberasyon ng 2024 national budget.

“Nais kong bigyan ng katuparan ang programa sa pamamagitan ng isang batas. Kaya natin inihain ang Batang Magaling Act upang maging institutionalized ang mga assessment na ito at ang iba pang mga reporma sa senior high school,” ani Gatchalian, chairman ng Senate Committee on Basic Education.

Layunin ng Batang Magaling Act na paigtingin ang kahandaan ng mga senior high school graduates sa pipiliin nilang direksyon: kolehiyo, middle-level skills development, trabaho, o pagnenegosyo. Layunin ng naturang panukala na itatag ang National Batang Magaling Council na siyang mag-aakma ng programa ng senior high school at work immerson component sa pangangailangan ng mga industriya at ng gobyerno.

Upang matulungan ang mga mag-aaral na magkaroon ng angkop na mga kakayahan, paiigtingin ng Council ang kaalaman at pakikipagtulungan sa pribadong sektor at gobyerno upang matanggap ang mga mag-aaral sa work immersion programs. Titiyakin din ng Council na akma ang kanilang magiging deployment sa kanilang mga piniling track.

Magiging mandato naman sa Civil Service Commission (CSC) na magbago ng polisiya nito upang magkaroon ng pagkakataon ang mga senior high school graduates na makakuha ng trabaho sa gobyerno.

“Isa sa mga repormang isinusulong natin ang pag-mandato sa Civil Service Commission na tanggapin ang ating mga senior high school graduates. Nagdagdag tayo ng senior high school level pero mismong mga government agencies ay hindi kumukuha ng mga empleyado na senior high school graduates,” ani Gatchalian.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -