NARITO ang pahayag ni Labor Secretary Buenvenido Laguesma hinggil sa March 2024 Labor Force Survey.
Ang Kagawaran ng Paggawa at Empleyo ay nananatiling positibo sa resulta ng “Labor Force Survey” (LFS), para sa buwan ng Marso na inilabas ng Philippine Statistics Authority (PSA).
Ang pagbaba ng punto walo na bahagdan (.8 porsiyento) mula 4.7 sa 3.9 porsiyento ng unemployment rate, maging ang pagbaba ng underemployment rate sa huling survey ng PSA, ay nagpapatunay na ang ating ekonomiya ay higit na lumalakas kumpara noong Marso ng nakarang taon.
Nalulugod ang Kagawaran sa patuloy na pagtaas ng bilang ng ating mga kababayang may trabaho, sa gitna ng mga bagong kaganapan sa larangan ng teknolohiya at mga suliranin gaya ng El Niño. Ito ay sumasalamin sa kaangkupan ng mga programa ng Kagawaran na matugunan ang mga pangangailangan ng ating mga kababayang naghahanap ng trabaho at oportunidad sa sarili nating bansa.
Ang ating kolaborasyon sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan, mga namumuhunan, mga organisasyon ng negosyo at mga manggagawa, maging ang ating mga “development partners” gaya ng International Labor Organization (ILO), ay nagpapatunay na ang pagkakaisa at pagutulungan ay nagdudulot ng magandang bunga para sa kapakinabangan ng sambayanan.
Kasama sa ating mga inisyatibo katuwang ang iba’t ibang sektor sa pagpaparami ng trabaho ang pagtukoy sa mga kasanayan at kakayahan ng lakas-paggawa upang matugunan ang pangangailangan ng mga industriya, agrikultura at mga kompanyang naghahanap ng serbisyo. Kaya’t puspusan ang ating pakikiisa at pakikipag-ugnayan upang ipabatid sa lahat ang mga sapat at napapanahong “labor market information” na gagabay sa mga “stakeholders” sa daigdig ng paggawa.
Bukod dito, ang Kagawaran ay nakatuon upang palakasin at pagyamananin ang kalinangan at kahusayan ng ating mga kabataan sa mga pagbabago sa iba’t ibang larangan gaya ng teknolohiya upang matugunan ang puwang at kakulangan ng ating lakas-paggawa. Isinusulong din natin ang paghikayat sa ating mga kababayan na subukan ang larangan ng pagnenegosyo na kasama sa mga programa ng Kagawaran upang mas higit na makatulong sa kani-kanilang mga pangangailangan at mapaunland ang kanilang komunidad.
Makaaasa ang lahat na patuloy ang Kagawaran sa pagsasaayos at pagpapalakas ng mga polisiya at programa na tutugon sa pagpapabuti ng kakayahan at kasanayan ng lakas-paggawa tungo sa pagkakaroon ng de-kalidad at disenteng trabaho para sa lahat sa ilalim ng Bagong Pilipinas.
Maraming salamat.
(sgd.)
BIENVENIDO E. LAGUESMA
Kalihim