ALINSUNOD sa hangarin ng pamahalaan na bigyang-halaga ang kontribusyon ng mga manggagawa sa pagpapasigla at paglago ng ekonomiya, nakipagtulungan ang Department of Labor and Employment (DoLE) sa People Management Association of the Philippines (PMAP) at Rotary Club of Manila (RCM) upang parangalan ang mga natatanging manggagawa sa Araw ng Paggawa.
Pinangunahan nina DoLE Secretary Bienvenido Laguesma, RCM President Rafael o Alunan 3rd, at PMAP President Michael Godinez ang pagbibigay-parangal sa “The Outstanding Workers of the Republic” (Tower) Awards, kasama ang mga kinatawan mula sa RCM at PMAP.
Pinarangalan ng Tower Awards sina Armante Sabacajan (FCF Minerals Corporation), Jose Rivera (ON Semiconductor SSMP Philippines Corporation), at Raymond Dimitui (PTT Philippines Corporation) para sa individual category.
Samantala, ginawaran para sa team category sina James Zabala and Robert Jay Pujed (Franklin Baker, Inc.); Jessthony Nuyda, Justin Ingal, Verna Bea Atienza, Joy Clariss Miraya, at Ednalyn Lanceta (Yazaki-Torres Manufacturing, Inc.); at Luis Macasio Jr., April dela Cruz, and Fenny Cruz (ON Semiconductor SSMP Philippines Corporation).
Ang Tower Awards, na nagsimula noong 1975, ay isang pagkilala sa mga natatanging manggagawa ng bansa para sa kanilang mahalagang inobasyon at kontribusyon para sa pagpapahusay ng kanilang trabaho sa kanilang lugar-paggawa.
Ipinaabot nina Secretary Laguesma at Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., ang kanilang taos-pusong pagbati sa mga tumanggap ng parangal at kanilang mga pamilya.
“Ang inyong pagsusumikap at kontribusyon sa ating lakas-paggawa at sa pag-unlad ng ating bansa ay nagbibigay-inspirasyon sa ating lahat na doblehin ang ating mga pagsisikap upang maisakatuparan ang ating mga sama-samang layunin,” pahayag ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr.