NASA mahigit ₱2.2 million na halaga ng sub-projects ang nakatakdang simulan sa bayan ng Bongabong sa Oriental Mindoro ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa ilalim ng Kapit-bisig Laban sa Kahirapan-Comprehensive and Integrated Delivery of Social Services (Kalahi-CIDSS) program.
Kabilang sa mga barangay na makikinabang sa proyekto ay ang mga barangay ng Carmundo, Tawas, Ogbot, Kaligtasan, at Alinao.
Personal na pinili ng mga mamamayan ng mga nabanggit na barangay ang mga proyektong gagawin sa kanilang mga nasasakupan upang mas mabigyan ng prayoridad ang mga kinakaharap na mga isyu at mga problema sa pamamagitan ng Community Driven Development (CDD) process ng ahensya.
Kabilang sa mga proyekto ay ang pagkonkreto ng access road sa Carmundo na nagkakahalaga ng ₱434,051.03 kung saan nasa 451 na kabahayan ang makikinabang sa proyekto.
Samantala, nasa ₱1.2 million naman ang halaga ng proyektong pagpapakonkreto ng mga daan ang inilaan ng ahensya sa mga barangay ng Tawas, Ogbot, at Kaligtasan, kung saan nasa 764 kabahayan ang makikinabang.
Umabot naman sa ₱557,407 ang halaga ng pagpapagawa ng drainage canal sa Anilao na kapakikinabangan ng nasa 405 kabahayan.
Ang mga nabanggit na proyekto ay inaasahang tutulong sa pamumuhay ng mga mamamayan partikular na sa usaping transportasyon at pagpapadaloy ng tubig sa kanilang mga nasasakupan.
Pasasalamat naman ang ipinaabot ng pamunuan ng ahensya sa pagtutulungan ng lokal na pamahalaan ng Bongabong, pamahalaang barangay, at mga volunteers upang masiguro na ang mga proyekto na ibinababa ng pamahalaan ay kapapakinabangan ng mga nakararaming mamamayan. (JJGS/PIA Mimaropa – Oriental Mindoro)