BINIGYANG diin ng Social Security System-Laoag City Branch na seryoso nilang bibisitahin ang mga employer na hindi nag-re-remit ng kontribusyon ng kanilang mga empleyado.
Ito ay parte ng kanilang kampanya na “Run Against Contribution Evaders” o RACE na naglalayong matiyak na sumusunod sa kanilang obligasyon bilang employer na nakasaad sa Republic Act No. 11199 o ang Social Security Act of 2018.
Ayon kay Richard Raralio, branch manager ng SSS-Laoag, paiigtingin nila ang kanilang kampanya upang masiguro na nakapaghulog ang mga employer ng tamang kontribusyon ng kanilang mga empleyado at sila’y rehistrado sa nasabing ahensya.
“Seryoso naming hahabulin ang mga employers na hindi nag-re-remit ng kanilang kontribusyon o yung mga employers na hindi nag-re-register ng kanilang mga empleyado,” pahayag pa nito.
Kamakailan ay binisita ng SSS ang walong establisyemento sa Laoag City upang paaalahanin ang mga may-ari ng mga negosyo sa kanilang obligasyon at bayarin sa SSS.
Kabilang sa mga binisita ng ahensya ang dalawang industriya ng retail, isang salon, dalawang kainan, isang law office, isang laundry shop, at isang paaralan.
Bawat isa ay personal na pinuntahan at binigyan ng Notice of Violation at sinabihan na mayroon lamang silang 15 araw upang tugunan ang kanilang mga obligasyon.
Karamihan sa mga pinuntahan ay naitala na hindi rehistrado dahil walang nag-aasikaso sa rekord ng mga empleyado.
Hinihikayat din ni Raralio na huwag magpalampas sa pag-remit ng kontribusyon ng kanilang mga empleyado, sapagkat ito ay may kaakibat na multang dalawang porsyento.
Samantala, nagbigay din ng payo ang SSS na personal na bisitahin ng mga employer ang kanilang opisina upang makipag-ugnayan at maiwasan ang pagkakaroon nila ng parusa sa ilalim ng mga patakaran ng SSS at upang maiwasan ang posibleng haharapin nilang paglabag sa batas.
Dagdag pa nila, ang kampanyang ito ay handog ng SSS upang maprotektahan at makasigurado na ang mga nararapat na benepisyong matatanggap ng mga manggagawa ay buo, angkop, at tama. (JCR/MJTAB/SISDC-Intern PIA Region 1-Ilocos Norte)