Muling inihain ni Senador Win Gatchalian ang isang panukalang batas na layong sugpuin ang illiteracy sa bansa.
Sa ilalim ng Senate Bill No. 473 o ang National Literacy Council Act, papalitan ang pangalan ng Literacy Coordinating Council (LCC) na unang itinatag sa ilalim ng na-amyendahan na ring Republic Act No. 7165. Sa ilalim ng panukala ni Gatchalian, ipapawalang-bisa ang Republic Act No. 7165 at ang National Literacy Council Act ang magsisilbing lead inter-agency coordinating at advisory body sa mga programang layong magsulong ng literacy sa buong bansa. Ang Council ay patatatagin at bibigyan ng mandato upang bumuo ng three-year roadmap para maabot ang zero illiteracy.
Upang mapaigting ang papel ng mga local government units, itatalaga ng panukalang batas ang mga Local School Boards (LSBs) bilang de facto literacy councils. Upang magabayan ang kanilang mga stratehiya sa pagsugpo ng illiteracy, bibigyan ng mandato ang mga LSBs na bumuo at magpatupad ng lokal na roadmap batay sa three-year roadmap na ipapatupad ng Council.
“Ang pagsugpo sa illiteracy sa ating bansa ang isa sa mga pinakamahalagang hakbang upang matiyak na walang kababayan natin ang mapagkakaitan ng magandang kinabukasan. Upang maabot natin lahat ng ating mga kababayan, bibigyan natin ng mahalagang papel ang ating mga lokal na pamahalaan para sa epektibong pagpapatupad ng mga programa para sa literacy,” ani Gatchalian.
Bibigyan ng panukalang batas ang LSBs ng mandato na magpatupad ng mga aktibidad para sa community literacy mapping sa pamamagitan ng community-based monitoring system. Ito ay sang-ayon sa Republic Act No. 11315 o ang Community-Based Monitoring System (CBMS) Act.
Ayon sa 2019 Functional Literacy, Education and Mass Media Survey (FLEMMS), mahigit anim (6.1) na milyong Pilipinong may edad na lima (5) pataas ang hindi pa talaga literate. Ibig sabihin, hindi sila makabasa o makasulat ng may pag-unawa sa mga simpleng mensahe.
Sa parehong taon, halos pitong (6.8) milyong Pilipino may edad na sampu (10) hanggang animnapu’t apat (64) ang itinuturing na functionally illiterate. Ibig sabihin, wala silang kakayahan na makilahok nang ganap sa mga pang-araw-araw na gawain gamit ang sapat na kakayahan sa komunikasyon.
Sa ilalim din ng naturang panukala, ang technical secretariat ng Council ay ililipat sa Bureau of Alternative Education (BAE), ang tanggapang naitatag sa bisa ng Republic Act No. 11510 o ng Alternative Learning System (ALS) Act upang ipatupad ang mga programa sa ALS.
Binigyang diin ng senador ang mga resulta ng international large-scale assessments na nagpapahiwatig na may krisis sa sektor ng edukasyon. Sa 2018 Programme for International Student Assessment, halimbawa, ang Pilipinas ang may pinakamababang marka pagdating sa Reading o Pagbasa sa halos walumpung (80) mga kalahok na bansa.