AABOT sa 13 Super Health Centers ang itatayo sa iba’t ibang lugar sa lalawigan ng Palawan, ayon kay Sen. Christopher Lawrence ‘Bong’ Go sa kanyang pagbisita sa probinsya nito lamang Abril 24.
Ang unang Super Health Center ay itinayo sa Barangay Inagawan sa lungsod ng Puerto Princesa. Kasama rin sa mga itatayo pang Super Health Centers ay sa Quezon kung saan pinangunahan ni Go ang groundbreaking ceremony.
Magtatayo din ng Super Health Centers sa munisipalidad ng Balabac, Sofronio Española, Taytay, Brgy. Caruray sa San Vicente, El Nido, Brgy. Magara at Brgy. Tumarbong sa Roxas, at sa Araceli.
Ayon pa kay Go, ilalagay sa mga 4th, 5th at 6th class municipalities ang nasabing mga super health centers.
Sa pamamagitan din aniya ng mga health centers na ito ay mababawasan na ang pagsisiksikan ng mga pasyente sa mga hospital.
“Ang Super Health Center ay isang medium type of a full clinic, pwede po diyan ang panganganak, at mga laboratories. Ang ikinaganda po nito ay made-decongest ang mga hospital. Halimbawa po kung tayo ay nasa probinsya, hindi na kinakailangang pumunta [pa] ng ospital,” pahayag ni Go.
Maliban sa proyektong ito ay nakatakda na rin aniyang ipatupad ang iniakda nyang batas na Republic Act (RA) No. 11959 o ang Regional Specialty Center Act na isa rin sa mga prayoridad ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ R. Marcos Jr.
Paliwanag pa ni Go na ang Regional Specialty Center ay hindi stand-alone kundi ilalagay ito sa mga Department of Health (DoH)- operated hospitals. Ilalagay aniya sa mga DoH hospital ang mga serbisyong tulad ng heart at lung center, kidney at iba pa upang hindi na tumungo pa sa kalakhang Maynila ang mga pasyente mula sa lalawigan ng Palawan. (OCJ/PIA MIMAROPA – Palawan)