MALUNGKOT na ibinalita ni Bise Presidente Sara Duterte sa kanyang Facebook page ang kanyang pagbisita sa burol ni Jenny, 13 taong gulang na binarily noong Abril 17 malapit sa kanilang tahanan.
Aniya, “Personal ko pong binisita kahapon (Abril 24) upang ipaabot ang aking lubos na pakikiramay sa pamilya ng mag-aaral na si Jenny sa kanilang tahanan sa Cuenca, Batangas. Siya ay binaril noong ika-17 ng Abril malapit sa kanilang paaralan.
“Si Jenny ay labintatlong gulang na Grade 8 student sa Agoncillo, Batangas.
“Magkaisa po tayo na kondenahin ang pagbaril at pagpatay sa isang bata sa labas lang ng kanyang paaralan at mariin nating tutukan ang isinasagawang imbestigasyon sa naturang pangyayari.
“Sa aking mga mensahe sa iba’t-ibang sektor ng lipunan, paulit-ulit ko pong ipinapaliwanag ang kahalagahan ng edukasyon at kapayapaan.
“Huwag nating suportahan ang mga taong nagdudulot ng gulo sa ating mga barangay tulad ng kriminalidad, droga, terorismo at insurhensiya sa ating mga komunidad.
“Nagpapasalamat tayo sa mga lokal na pamahalaan ng Cuenca at Agoncillo sa tulong na ipinaaabot nila sa pamilya ni Jenny.
“Muli, ipinapaabot ko ang aking lubos na pakikiramay sa naulilang pamilya ni Jenny. Nawa’y hindi na maulit pa ang ganitong pangyayari sa ating mga kabataan.”