INFANTA, Quezon — Mahigit 1,000 barangay health workers mula sa mga bayan ng Real, Infanta, at General Nakar, Quezon ang binigyang pagkilala ng pamahalaang panlalawigan ng Quezon kamakailan para sa kanilang mga tungkuling ginagampanan.
Ayon kay Quezon Governor Doktora Helen Tan, nararapat lamang na mabigyang importansya ang mahalagang ambag na ibinibigay ng mga barangay health workers upang maiangat ang kalagayan ng kalusugan sa lalawigan ng Quezon.
“Hindi po pababayaan ng pamahalaang panlalawigan ang bawat barangay health workers sa pamamagitan ng pagpapatupad ng iba’t ibang polisiya na magbibigay proteksyon sa karapatan ng mga barangay health workers,” sabi pa ng gobernador
Samantala, kinilala at ginawaran ng parangal ang mga BHWs na apat na dekada ng nagseserbisyo para sa bayan at patuloy na nagsisilbing pundasyon upang maihatid ang dekalidad na serbisyong pangkalusugan.
Idinaos rin dito ang isang talakayan na naglalayong makatulong para sa mas maayos na paglilingkod.
Tumanggap naman ng food packs ang mga BHWs mula sa Department of Social Welfare and Development. (Ruel Orinday- PIA Quezon)