NAPABALITA sa The Manila Times ang matamlay na lagay ng Philippine Stock Exchange (PSE) nitong mga nakaraang linggo. Maraming humahawak ng mga stock ng iba’t ibang korporasyong nakatala sa PSE na ipinagbibili ang kanilang stock dahil sa patuloy na pagbaba ng mga presyo nito. Ang pangyayaring ito ng malawakang pagbebenta at pagbaba ng presyo ay ang pinakamatagal na at huling naranasan noong Oktubre 2016.
Ang stock ay isang pananalaping yaman na nagsasaad na may puhunan ang may hawak nito sa kabuoang capital ng isang korporasyon. Dahil dito ang humahawak ay tumatanggap ng panapanahong dibidendo batay sa kita ng korporasyon at sa desisyon ng pamunuan ng korporasyon na mamahagi ng dibidendo. Kapag marami ang hinahawakang stock malaki rin ang matatanggap na dibidendo. Ang mga hinahawakang stock ay may ikalawang bilihan o secondary market. Ibig sabihin maaaring ipagbili ang mga stock ng mga humahawak nito sa bilihan ng PSE depende sa demand at suplay nito. Kung maganda ang performance o ang inaasahang kita ng isang korporasyon, maaaring tumaas ang demand sa stock ng korporasyon at tumaas ang presyo nito sa bilihan ng PSE. Sa halip na maghintay sa inaasahang mataas na dibidendo may ilang humahawak ng mga stock na ipinagbibili ang kanilang stock dahil tumutubo na sila bunga ng mataas na kasalukuyang presyo ng stock kung ihahambing sa mababang presyong nabili nila ito. Sa susunod ng mga talata ay tatalakayin natin kung bakit bumababa ang presyo ng mga stock sa Philippine Stock Exchange.
Isa sa mga pangunahing dahilan sa pagbaba ng presyo ng mga stock sa bilihan ng PSE ay ang lumalalang sigalot sa Gitnang Silangang. Inakusahan ng Iran ang Israel sa pagbobomba ng kanilang embassy sa Damascus, Syria kaya’t nagpaulan ng mga missle ang Iran na nakatarget sa Israel. Marami sa mga missile na ito ay nasabat. Gumanti ang Israel at binomba ang ilang target na lugar sa Iran. Ngunit ayon sa ulat ay wala pang balak ang Iran na gumanti.
Bakit ang ganitong mga pangyayaring geopolitical ay may kinalaman sa bilihan ng mga pananalaping yaman tulad ng mga stock ng mga korporasyon. Ang paglala ng sitwasyon sa palitan ng bombahan sa pagitan ng Israel at Iran ay maaaring magpababa sa kita ng mga korporasyon. Sa Gitnang Silangan nanggagaling ang malaking reserba at suplay ng langis at ang paglala ng krisis ay maaaring makaapekto sa suplay ng langis na ginagamit sa ibat ibang parte ng mundo kasama na ang Pilipinas. Kung kikitid ang suplay ng langis, ang presyo ng langis ay tataas at maaaring makaapekto ng kabuoang produksiyon ng ekonomiya at mauwi sa resesyon. Kung ikaw ay humahawak ng mga stock ng mga korporasyon na nagbebenta ng mga produkto at serbisyong naapektuhan ng pagtaas ng presyo ng langis, maaari bumaba ang kita at tubo ng korporasyon o kung lalong malala ay pagkalugi nito. Dahil dito, ang inaasahang dibidendong makukuha sa mga stock ng mga korporasyon ay maaaring bumaba. Dahil sa pangamba ng mga negosyanteng humahawak ng stock na bumababa ang dibidendo, nagbebenta sila ng mga stock at dahil kakaunti naman ang bumibili nito dahil nga sa inaasahang paglala ng krisis bumababa ang presyo ng stock na ipinagbibili sa Philippine Stock Exchange. Kapag ang suplay ng mga stock na nais ipagbili ay mas malaki sa demand, maaaring bumaba ang presyo ng mga ito.
Ang mga salik na geopolitical lamang ba ang nagpapatamlay sa PSE at indeks nito? Marami ring salik na ekonomiko ang maaring makaapekto sa presyo ng mga stock. Kasama rito ang bumibilis na inflation rate, ang lumalawak na deficit ng pamahalaan at bumababang eksternal na halaga ng piso bunga ng depresasyon ng ating salapi. Halimbawa, ang mataas na inflation rate ay makapagbababa sa kakayahang makabili ng mga mamamayan. Kaya’t ang demand sa mga produkto at serbisyong ipinagbibili ng mga korporasyong hinahawakang mga stock ay maaaring maging matamlay. Makapagpababa ito ng kanilang dibidendo. Kapag bumibilis ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin, mapipilitan ding ipagbili ng mga hinahawakang stock dahil ang kakayahang makabili ng dibidendong na makukuha sa mga hinahawakang mga stock ay bumababa. Kaya’t maghahanap ang mga negosyante ng mga alternatibong yamang pananalapi na may matataas na tunay na balik kaysa sa dibidendo mula sa mga stock.
Samantala, ang lumalaking budget deficit ay maaaring mauwi sa pangungutang ng pamahalaan kung ayaw taasan ng pamahalaan ang buwis. Ang fiscal deficit ay maaari ding tugunan sa pamamagitan ng depresasyon ng salapi kung ayaw mangutang ng pamahalaan. Ngunit sa mga dayuhang humahawak ng mga stock ng mga korporasyong Filipino, nanaisin nilang ipagbili ang kanilang stock dahil ang tatanggapin nilang dibidendo ay may mababang halaga sa US dolyar.
Sa harap ng bumababang presyo ng mga stock, may iilang negosyanteng namimili ng murang stock. Bakit nila ginagawa ito gayong ang ibang negosyante ay nagbebenta ng kanilang stock? Ang dahilan ay nagpapasakali silang tataas ang presyo ng mga stock na ito sa hinaharap at maaaring silang kumita nang malaki. Samakatuwid, sa anumang pangyayaring nagaganap sa ekonomiya, may dalawang pananaw dito. Ang isa ay negatibo dahil nakikita nila ang panganib at ang kabila ay positibo dahil nakikita nila ang oportunidad.
- Advertisement -