Ipinagbunyi ni Senador Win Gatchalian ang bagong batas na lilikha sa Second Congressional Commission on Education (EDCOM II), isang hakbang na aniya’y tutugon sa krisis ng edukasyon sa bansa.
Sa ilalim ng Republic Act No. 11899 na naging ganap nang batas noong Hulyo 23, lilikhain ang EDCOM II upang magsagawa ng komprehensibong pagrepaso at pagsuri sa performance ng sektor ng edukasyon, kabilang ang pagsunod sa mga mandatong nakasaad sa batas na lumikha sa Department of Education (DepEd), Commission on Higher Education (CHED), at sa Technical Education and Skills Development Authority (TESDA). Si Gatchalian ang nag-sponsor sa naturang batas noong 18th Congress.
Ang naturang pagrepaso ay magrerekomenda ng mga reporma upang iangat ang pagiging competitive ng bansa sa education at labor markets. Magmumungkahi din ang gagawing pag-repaso ng mga solusyong tutulong sa mga ahensya ng edukasyong i-angat ang kanilang performance, at maghatid ng abot-kaya at dekalidad na edukasyon batay sa mga pandaigdigang pamantayan.
Bilang Chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture, isa si Gatchalian sa magiging mga Co-Chairperson ng Komisyon. Aniya, titiyakin niyang ang Komisyon ay tututok at magiging epektibo sa pagtukoy sa mga hamon sa sektor ng edukasyon at pagmungkahi ng mga kinakailangang mga reporma.
“Napapanahon na ang pagtatatag ng EDCOM II upang wakasan ang krisis sa sektor at tiyakin na natatanggap ng ating mga mag-aaral ang dekalidad na edukasyon. Titiyakin nating ang Komisyon ay magdudulot ng mga mahahalagang repormang mag-aangat sa kalidad ng edukasyon sa bansa, at tiyaking handa ang ating mga mag-aaral na makipagsabayan sa ibang bansa,” ani Gatchalian.
Tinukoy ni Gatchalian na ang learning poverty sa bansa ay mahigit siyamnapung (90.5) porsyento na ayon sa isang ulat ng UNICEF, UNESCO, at ng World Bank na pinamagatang “Where are we on Education Recovery?” Katumbas nito ang siyam sa sampung mga Pilipinong may edad na sampu na hindi marunong bumasa o umunawa ng maikling kwento.