27.1 C
Manila
Linggo, Enero 5, 2025

Manipesto ng mag-isa, boses ng balana

ULTIMONG BIGWAS

- Advertisement -
- Advertisement -

ISAISANTABI ang lahat ng pangangatwiran maliban sa isang katanungan: Kaninong responsibilidad ang pagpapanatili ng kapayapaan sa rehiyon ng South China Sea?

Sa tanong na ito, agad bagsak ang Amerika. Layunin niyang kontrolin ang karagatang daluyan ng pandaigdigang komersyo na nagkakahalaga ng trilyun-trilyong dolyares. Sagabal sa layuning ito ang China, na sa kasaysayan ay siyang may soberanya sa kalakhan ng South China Sea. Upang tabunan ang soberanyang ito, ipinangangalandakan ng Amerika ang mga kaisipang “rules-based international order” (pangmundong kaayusan na nakabatay sa mga patakaran) at “freedom of navigation operation” (FONOP – kalayaan sa paglalayag). Ang sariling likha na mga doktrinang ito ang ibinabangga ng Amerika sa China, na anupa’t dapat na magtanggol sa pag-aaring sinagrado na ng kasaysayan. Ang resulta, giyera.

Sino ang lumikha ng giyera?

Maliwanag, ang Amerika.

Papaano nadamay dito ang Pilipinas?


Sa bisa ng mga tratadong pang-militar sa pagitan ng Pilipinas at Amerika: ang Mutual Defense Treaty (MDT) ng 1951; Visiting Forces Agreement (VFA) ng 1998; at Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) ng 2014.

Sa bisa ng VFA at EDCA, malayang nakapagdedeploy sa Pilipinas ang Amerika ng mga tropa’t kagamitan para sa mga pandigmang layunin. At sa bisa naman ng MDT, oras na may pananalakay sa Pilipinas, obligasyon ng Amerika na dumaluhong din sa mananalakay.

Kaya sapat na ang banggain ng China ang Pilipinas sa kanilang pag-aagawan sa ilang bahagi ng South China Sea upang magkaroon ang Amerika ng dahilang gawin ang plinanong pakikipagdigma sa China.

Amerika ang may gusto ng digmaan laban sa China, subalit kailangan munang banggain ng Pilipinas ang China upang magkaroon ng katwiran ang Amerika na makialam.

- Advertisement -

Sa ganyang senaryo, na kanino ang responsibilidad na magpanimula ng digmaan sa South China Sea?

Walang iba kundi China.

Kaya nga ganun na lang ang samu’t-saring mga pakana ng Amerika upang pag-alabin sa galit ang China at palalain ang mga tinaguriang harassment nito sa mga resupply mission ng Philippine Coast Guard (PCG) sa Ayungin Shoal. Pinakamasahol na ang huling pambobomba ng tubig ng China Coast Guard (CCG) na nagbunga ng pagkalasug-lasog ng barkong de kahoy ng Pilipinas at seryosong pagkasugat ng mga tripulante nito.

Nag-utos na si Presidente Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa Sandatahang Lakas ng Pilipinas na “gawin ang nararapat” oras na sa mga banggaan ay may namatay na kahit isang Pilipino, sundalo man o sibilyan.

Ano pa ba ang utos na ito kundi tagubilin para sa umaatikabong pakikipagdigma?

Ngayon, aatras ba ang China? Sasabihin nyo, natural hindi. Subalit sa sandaling mangyari iyun, hindi ba isinasadlak ng China ang buong Indo-Pasipiko sa ultimong kapahamakan?

- Advertisement -

Sa aminin ng China o sa hindi, pumatak sa kanyang mga balikat ang pagpapanimula ng malagim na putukan sa Pilipinas — walang  ipinagka-iba sa malagim na mga digmaan na dumurog sa Ukraine, nagwasak sa Palestine at ngayon ay namiminto na sumalanta sa buong Gitnang Silangan.

Laban sa Pilipinas na isang yagit, sino siya upang atrasan ng higanteng dragon?

Subalit ito nga ang pasang krus ng China sa Golgotang pilit pinagsasadlakan sa kanya ng Amerika. Papatulan ba niya ang bunsong kapatid na bago ang termino ni Marcos Jr. ay kasa-kasama sa tuwa’t ginhawa? Papaano na ang magandang pagkakapatiran na pinamukadkad ng kanyang ama mula pa noong 1975?

Akong ordinaryong Pilipino, napakasimple ng pangangailangan: kumain araw-araw, walang kapagurang bakahin ang walang humpay na kasalatan sa buhay.

Wala akong pakialam sa mga usapin ng soberanya’t pag-angkin sa mga teritoryong hindi naman akin.

Bakit ko ipapain ang aking buhay sa digmaang laan lamang upang, sa katunayan, ay ipagtanggol ang kayamanan ng presidente’t mga kalahi niyang oligarko?

Para sa China na siyang namumunong sosyalistang bansa sa daigdig, napakahirap ba nitong intindihin!

Hawak ng China — at tanging ng China lamang — ang  ultimong alas upang pigilin ang digmaan sa Pilipinas.

Mabuhay ang China!

Mabuhay ang Pilipinas!

***

Minarapat kong ilimbag ang manipestong ito bilang, sa isang banda, pagtatapos ng artikulong nasimulan kahapon, at sa kabilang banda, pagsasabuod ng malawak na usapin ng digmaan at kapayapaan na siyang paksa ng malaking pagtitipon ngayong umaga ng Anti-War Peace Caravan sa Quezon City Sports Center. Matatandaan na sa pagsisimula ng taon, nabuo ang kilusan sa pamumuno ni Herman Tiu Laurel, presidente ng Asian Century Philippine Strategic Studies Institute (ACPSSI).

Naging napakamatagumpay naman ng unang caravan na mula sa Quezon City Circle ay nilakbay ang ruta ng kasaysayan ng Republika ng Pilipinas, mula sa Malolos Congress sa Barasoain Church sa Malolos, Bulacan, sige sa pook ng pagkamartir ni Heneral Antonio Luna sa Katedral ng Cabanatuan, Nueva Ecija, tuloy sa Isabela na siyang kinahulihan kay Heneral Emilio Aguinaldo sa pagtatapos ng Digmaang Filipino-Amerikano noong 1901, at sa wakas humantong sa Cagayan na doon ay matatagpuan ang dalawa sa apat na karagdagang baseng EDCA (ang isa ay nasa Isabela at ang isa pa ay nasa Palawan) na kaloob ni Presidente Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. upang pagdeployan ng Amerika ng mga tropa’t mga kagamitang pandigma.

Maliwanag na ang ganung hakbang ay nakaumang na sa China, at doon nagsimulang umasim nang umasim ang relasyong Chino-Pilipino na sa kasalukuyang yugto ay tila kulang na lang na magpalitan ng putok.

Magkaganun man, wala pa ring humpay ang pagpupunyagi ng Anti-War Peace Caravan sa misyon nitong mapigilan ang pagsambulat ng digmaan sa pagitan ng China at Pilipinas.

Sa isang panayam kay Laurel, inilarawan niya ang paglawak na inabot na ng caravan.

“Kasama na natin ngayon sina Ka Eric at Dr. Loraine Badoy,” paghahayag ni Mentong, palayaw ni Laurel.

Sa personal kong pagtantiya, kung saan naroroon ang dalawa, malalayo pa ba si Dating Pangulo Rodrigo Duterte? Imaginin mo ang lawak ng masang suporta pag Duterte na ang nagmando.

Ayon kay Laurel, matapos ang nakakasa nang pagpihit sa Kabisayaan at Mindanao, iisa-isahin na ng caravan ang mga bansang Asean, tuloy sa Japan, South Korea, Taiwan, hanggang sa ang makapangyarihang dagundong ng kontra digmaan ay ihiyaw mismong sa tarangkahan ng China.

Napapalakpak ako sa galak. Sa nakikita nating namimintong pagsambulat ng giyera sa South China Sea, ang tanging pwersang makapipigil ay China.

Iyan ang laman ng pansarli kong ambag sa kilusang kontra-digmaan — ang  Manipesto ng Mag-isa, Boses ng Balana.

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -