30.9 C
Manila
Miyerkules, Enero 15, 2025

Kaya bang mag-isang idepensa ang ‘Pinas? Kaya

LANGIT AT LUPA

- Advertisement -
- Advertisement -

PARA sa higit na nakararaming Pilipino, malamang hindi kaya ang sagot sa pamagat na tanong. Sa buong panahon ng ating bansa, kahit pa noong naghihimagsik pa lamang ang mga ninuno natin laban sa Kastila, humingi na tayo ng tulong sa dayuhan.

Nang ideklara niya ang kasarinlan ng Pilipinas noong 1898, nakipagkasundo si Heneral Emilio Aguinaldo sa Estados Unidos (US) upang bumili ng mga baril at makipagsanib laban sa Kastila. Pero naloko tayo ng Amerikano. Sa halip na kilalanin ang ating republika, ang kauna-unahan sa Asya, inangkin at sinakop ng US ang Pilipinas.

Mula noon kapit na tayo sa Amerika para sa depensa, kahit paglaya natin sa US noong 1946 at paglisan ng hukbo nito sa mga base militar ng Clark at Subic noong 1992.

At sa ilalim ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., lalo pa tayong umaasa sa Amerika para sa seguridad. Kamakailan lamang, sinabi niyang tatakbo tayo sa US kung may sundalong mapatay ng dayuhan sa pagpapatrolya sa West Philippine Sea (WPS), ang karagatan sa kanluran kung saan Pilipinas ang may karapatang makinabang sa yamang dagat.

Subalit may problema pagsandal sa US, lalo ngayong puwedeng mahatak ang Amerika kung mas lumawak ang mga giyera sa Ukraina at Israel. Dahil dito, kuwidaw ang US mapalaban din sa Asya. Mas malamang hindi tapatan ng US ang China kahit may Pilipinong masawi sa engkuwentro.


Parang gayon ang nangyari pagbagsak ng Bataan noong 1942 sa Pangalawang Digmaang Pandaigdig. Inuna ng US ang paglaban sa Europa at Gitnang Silangan bago tayo pinalaya sa pananakop ng Hapon.

Kaya ingat ang mga sundalo natin sa Hukbong Dagat at Tanod-Baybayin. Baka hindi lumaban ang US paghingi ni Marcos ng tulong. Di-hamak na mas matimbang para sa Amerika ang mga kaalyado nito sa Europa at lalo na ang Israel kaysa sa Pilipinas.

Sariling depensa ang kailangan

Sa kabutihang palad, ayon sa mga eksperto, may paraan upang magkaroon tayo ng sariling depensa at hindi lubhang umasa sa Amerika. Sa katunayan, iyon ang udyok ng Center for Strategic and Budgetary Assessments (CSBA), isa sa mga pangunahing instiutusyon sa Washington, ang punong lungsod ng US.

- Advertisement -

Noong mawala sa atin ang Bajo de Masinloc o Panatag Shoal noong Abril 2012, inerekomenda ng CSBA sa Amerikang “tulungan ang Pilipinas ipagtanggol ang sarili at magmatyag sa mga nangyayari sa exclusive economic zone (EEZ) nito sa South China Sea,” kung saan tayo ang may karapatang makinabang sa yamang dagat.

Paliwanag ng CSBA sa artikulong “The Geostrategic Return of the Philippines”: “Kailangan ng Estados Unidos tulungan ang Pilipinas magbunsod ng sariling nitong kakayahang ‘anti-access, area denial’ (A2-AD) … mga sistemang pandepensa gaya ng eroplanong nagmamatyag sa karagatan, mga sandatang baybaying kontra barko, at mga sistemang pandepensa sa himpapawid.”

Sa pamamagitan ng A2-AD, matatakot at maititiwalag ang nanghihimasok sa ating EEZ sa tinaguriang West Philippine Sea (WPS). Kabilang sa armas na A2-AD ang mga raket laban sa barko. Maging malaking barkong pandigma na hindi matitinag ng kasalukuyan nating mga bangkang pampatrolya, mangangambang humarap sa mga supersonic missile na makaaabot sa buong EEZ 200 milyang dagat mula sa kapuluan natin.

Gayong sandata rin ang matagal nang isinusulong ni Roilo Golez, ang yumaong kongresista ng Parañaque, beterano ng Hukbong Dagat at tagapayo sa pambansang seguridad ng dating pangulong Gloria Macapagal Arroyo. Inirekomenda niya noong panahon nina Benigno Aquino 3rd at Rodrigo Duterte na magkaroon ang Pilipinas ng 200 Brahmos missile mula sa India.

Makaaabot ng mahigit 300 kilometro ang BrahMos, sapat upang saklawin ang buong EEZ natin. Base ito sa pinakamabagsik na armas ng Rusya laban sa US Navy, ang pinakamakapangyarihan hukbong dagat sa mundo. Halos tatlong beses ng bilis ng tunog ang lipad ng BrahMos, pinangalanan mula sa Ilog Brahmaputra ng India at Moskba ng Rusya.

Bagaman noon pang 2012 inirekomenda ng CSBA na tulungan tayo ng Amerika sa mga armas gaya ng anti-ship missile, sa 2022 lamang kinontrata ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang pagbili ng BrahMos, at ngayong taon lamang darating ang mga raket.

- Advertisement -

Bakit hindi sumunod ang Amerika sa payo ng CSBA na respetado pagdating sa mga armas at programa ng sandatahang lakas ng US? Sa halip, isinulong nito ang Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) upang mapalago ang puwersang nakapuwesto rito at magamit ang mga base ng AFP.

Sa gayon, imbes na “tulungan ang Pilipinas ipagtanggol ang sarili,” gaya ng udyok ng CSBA, lalo pa tayong pinaasa sa Amerika para sa depensa natin. At ayon sa isang retiradong heneral, kontra ang mga tagapayong militar ng US sa BrahMos.

Sa kabutihang palad, noong 2017 lumahok ang India sa Alyansiyang Quadrilateral ng Amerika, Hapon at Awstralya. Dahil dito, mukhang huminto na ang paghadlang sa missile ng India.

Kung pag-iibayuhin ang kakayahang A2-AD ng AFP, hindi tayo basta-basta panghihimasukan. Pero gusto ng US patuloy tayong umasa at ipagamit ang mga base natin.

Husto na. Dapat nang wakasan ang mahigit 125 taong pagkukubli natin sa pakpak ng Amerika.

 

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -