26.9 C
Manila
Sabado, Nobyembre 23, 2024

2nd Philippine Book Festival, idaraos ngayong ‘Buwan ng Panitikan’

- Advertisement -
- Advertisement -

NALALAPIT na ang pagbubukas ng Philippine Book Festival (PBF). Magaganap ito sa Abril 25-28 sa World Trade Center sa Pasay City. Ito na ang ikalawang taon na mayroon tayong festival ng mga aklat na pawang gawang-Pilipino.

Kasama ni Dr Luis Gatmaitan, board member ng PBBY at kolumnista ng artikulong ito, ang mga key players sa magaganap na Philippine Book Festival Year 2: Paolo Herras ng Komiket, Paolo Sibal ng PEPA, Jovita de Jesus ng F&J de Jesus Inc, Charisse Aquino-Tugade, Dante ‘Klink’ Ang, at Beth Parrocha

Naiiba ito sa idinaraos na taunang Manila International Book Fair (MIBF) sa SMX Mall of Asia kung saan matatagpuan naman ang lahat ng klase ng aklat, nalathala man ito locally o internationally. Sa PBF, makakaasa tayo na ang itatampok ay mga aklat na gawa mismo ng mga Pilipino. Di na muna kailangang makipagbuno ng mga lokal na aklat sa mga aklat na in-import pa mula sa ibang bansa. For a change, mga sariling likha naman ang itatampok dito.

Si Dante ‘Klink” Ang, ang kasalukuyang chairman ng NBDB

“Magandang pagkakataon ito na mabigyan ng pokus ang mga book creators na Pilipino,” bungad ni Dante ‘Klink’ Ang, ang chairman ng National Book Development Board (NBDB), nang idaos ang media launch ng Philippine Book Festival kamakailan. Ang PBF ay itinataguyod ng National Book Development Board (NBDB) katuwang ang iba’t ibang ahensiyang may kinalaman sa paglalathala ng aklat gaya ng Philippine Board on Books for Young People (PBBY), Book Development Association of the Philippines (BDAP), Komiket, Philippine Educational Publishers Association (PEPA), at iba pa. Noong taong 2023 lamang nagsimula ang PBF. Bukod sa Maynila ay nagdaos din ng PBF sa Davao City kasabay ng Kadayawan Festival noong Agosto 2023.

Kasama ang world-class children’s book illustrator na si Beth Parrocha, na naatasang gumawa ng key visuals para sa PBF

Bakit nga ba kinailangan ang ganitong book festival? Ito’y upang makatulong na mapaghusay ang kasanayan sa pagbabasa ng ating mga kabataan at tuloy ay mapaunlad na rin ang kultura ng pagbabasa sa bansa . Lubhang naiiwan tayo ng ating mga karatig-bansa pagdating sa pagbabasa. Sa isang pag-aaral na ginawa ng World Bank noong 2018, nakita na siyam sa bawat 10 batang edad sampu ay hindi kayang makatapos bumasa ng isang kuwento. Ang lungkot! Sa nakaraang readership survey naman na isinagawa ng NBDB noong 2023, natuklasan na 47 porsiyento lamang ng mga bata ang may kasanayan sa pagbabasa at 42 porsiyento lamang sa adults ang nagbabasa. Ipinapakita ng mga naturang pag-aaral na talagang kailangan nating tutukan ang kakayahang magbasa ng mga kabataan. Nakalulungkot isipin na kung gaano tayo kabihasa sa pagma-manipulate ng gadgets at pagbababad sa social media, ganito naman tayo kahina pagdating sa pagbabasa.

“Kung wala pang kakayahang bumili ng aklat, puwede namang pumunta sa pinakamalapit na library at doon magbasa,” ayon kay Charisse Aquino-Tugade, ang executive director ng NBDB. “Kung may kakayahan namang bumili ng aklat, bumisita sa Philippine Book Festival at tangkilikin ang mga aklat na gawa ng ating mga kababayan,” dagdag pa niya. Optimistic siya na puwedeng mabago ang resulta ng ganitong survey sa hinaharap kung seseryosohin natin ang panawagan sa mga kababayan natin na bigyang-pansin ang praktis o kasanayan sa pagbabasa. Kung gusto nating maging competitive sa husay at galing ng ibang lahi, maaaring ang pagbabasa ang dapat nating tutukan.


Sina Dr Gatmaitan (ng PBBY), Atty Andrea Pasion (ng NBDB), at Paolo Sibal (ng PEPA)

Ano, kung gayon, ang aasahan natin sa darating na PBF? May 160 exhibitors ng mga aklat—lahat   ng klase ng aklat na maiisip natin: children’s books, comic books, fiction at non-fiction books,  textbooks/academic books, at kung ano-ano pa. Kabi-kabila ang magaganap na booksigning ng mga authors at illustrators. Ito na ang pagkakataon na makadaupang-palad natin ang mga hinahangaan nating manunulat. Maiisip natin na may mga tao pala talaga sa likod ng bawat aklat. Noong bata pa kasi ako, akala ko, lahat ng awtor ay patay na. Wala kasi akong pagkakataon noon na makakilala ng isang nabubuhay pang awtor. Akala ko, ang mga pangalan sa likod ng mga byline sa aklat na hawak ko ay namayapa na.

Ang PBF media launch host na si Sam Oh. Sa likod niya ay makikita ang apat na panels na tumutukoy sa apat na bahagi ng book festival — Kidlit, Booktopia, Komiks, at Aral Aklat

Bukod sa ‘meet and greet’ sessions, book signing, at book launching, kabi-kabila rin ang mga book talks doon. May mga celebrities din na dadalo upang magsagawa ng ilang aktibidad doon, may puppet shows, cultural shows, forum, at discussions. Meron ding cosplay with a twist — “dress   as your favorite Filipino character in a local book.” Pagkakataon na ito para makapagsuot ng kakaibang costume!  May talakayan din tungkol sa “Reading the Readers.”

Kasama ang dynamic lider ng NBDB Charisse Aquino-Tugade at ang bookseller na si Jovita ‘Bing’ de Jesus

Posible ring masalubong natin doon ang ating mga hinahangaang manunulat gaya nina Ambeth Ocampo, National Artist Ricky Lee, National Artist Virgilio Almario, at marami pang iba. Hindi naman sila maramot makipag-selfie shots matapos makapagsulat ng dedication sa bibilhin ninyong aklat. May nakatakda ring forum sa main stage tungkol sa mga ‘doctors who write’ kasama sina Doctors Alice Sun-Cua, Joti Tabula, Will Liangco, at  Angeli Dumatol. May session ng pitching sa mga filmmakers. Ang children’s book author na si Augie Rivera, na isa ring manunulat sa telebisyon (gaya ng Family Feud), ay magkakaroon ng booksigning sa main stage area sa kanyang bagong aklat with GMA Pictures – ang ‘children’s book adaptation’ ng screenplay ni Angeli Atienza ng pelikulang Firefly, na nagwagi ng Best Picture sa parehong Metro Manila Film Festival at Manila International Film Festival.  Napakarami pang aktibidad na magaganap.

May magaganap na booksigning para sa children’s book adaptation ng pelikulang Firefly na may ganoon ding pamagat; kasama ang awtor Augie Rivera, screenplaywright Angeli Atienza, ilustrador Aldy Aguirre, ang ang batang bida sa pelikulang Firefly na si Euwenn Mikaell.

May apat na area ang naturang PBF: ang Kid Lit, Booktopia, Aral Aklat, at Komiks. Sa KID LIT area, matatagpuang magkakasama ang mga booth exhibits ng mga local na children’s book publishers gaya ng Adarna House, OMF Literature Hiyas, Lampara Books, Anvil Books, Chikiting Books, Hansel and Jansen Books, ABC Educational Books, Ilaw ng Tahanan Books, at iba pa. Sa Booktopia naman makikitang magakakasama ang mga publishers ng fiction at non-fiction titles. Marami ring independent book publishers na makikibahagi.  Sa Aral Aklat, ang mga publishers ng ating mga local na textbooks naman ang nakatampok. Sa seksiyon ng Komiks, nandoon ang mga comic book creators at publishers gaya nina Manix Abrera, Pol Medina, Russell Molina, Paolo Herras, at iba. Tangkilikin ang mayamang ani ng ating mga likhang komiks.

- Advertisement -

Sa darating na 2025, ang Pilipinas ang napiling Guest of Honor ng Frankfurter Buchmesse (o Frankfurt Book Fair) sa Germany. Bilang paghahanda rito, ang mga opisyal ng Frankfurt Book Fair ay bibisita sa idaraos na Philippine Book Festival. Magkakaroon din ng exhibit ng mga German books ang embahada ng Germany sa PBF. Umaasa rin tayo na magkakaroon ng translation sa wikang German ang ilan sa ating mga aklat na mapipiling mai-display sa naturang book fair. Aba, kung sa nilalaman (content) lamang ng ating aklat, tiyak na hindi  patatalo ang gawang-Pilipino.

Noong Abril 3, matagumpay na idinaos ang media launch ng Philippine Book Festival sa Pardon My French restaurant sa gawing Makati City. Pinangunahan ito nina Chairman Dante ‘Klink’ Ang at Director Charisse Aquino-Tugade.  Ipinakita rin sa publiko ang key visuals ng PBF na ginawa ni Beth Parrocha, kilalang children’s book illustrator. Napakakulay nito. Mapalad na nakadalo ang inyong lingkod bilang kinatawan ng PBBY upang magbigay ng pahayag ng pagsuporta sa nalalapit na book festival.

Libre ang entrance sa naturang festival. Kaya ilagay n’yo na sa iskedyul ninyo ang pagbisita sa Philippine Book Festival. Tinitiyak kong hindi kayo magsisisi.

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -