26.8 C
Manila
Miyerkules, Enero 15, 2025

Microgrids mahalaga sa pagpapakuryente ng ‘served’ at ‘unserved’ areas –Gatchalian

- Advertisement -
- Advertisement -

ANG pagpapatayo ng mga microgrids ay kailangan para matamo ng gobyerno ang ganap na elektripikasyon ng mga lugar na hindi pa naseserbisyuhan sa bansa, ayon kay Senador Win Gatchalian.

Kamakailan lamang ay tinapos ng Department of Energy (DoE) ang unang round ng competitive selection process (CSP) at iginawad sa Maharlika Consortium ang pagbuo ng microgrid systems sa walong lugar na hindi pa naseserbisyuhan sa Cebu, Quezon, at Palawan. Ang Consortium ay magbibigay ng serbisyo ng kuryente sa mga nasabing lugar 24/7. Sinabi ng DoE na target nitong magsagawa ng ikalawang round ng bidding sa loob ng taong ito.

“Ang mga microgrid ay kritikal na imprastraktura para sa pagpapakuryente ng ating mga komunidad sa kanayunan. Ang Department of Energy ay dapat gumawa ng mga hakbang upang higit pang mapabilis ang pagbuo ng microgrids para makatulong na isulong ang elektripikasyon sa mga lugar na wala pang kuryente,” sabi ni Gatchalian, na siyang pangunahing may-akda ng Republic Act No. 11646, o ang Microgrid Systems Act of 2022.

May 27.6 porsiyento o humigit-kumulang 479,029 na kabahayan sa mga missionary areas ang wala pa ring kuryente batay sa 2020 survey na isinagawa ng Philippine Statistics Authority (PSA), ani Gatchalian.

Sa Luzon lamang, naitala noong Oktubre 2023 na ang bilang ng mga kabahayan na walang kuryente ay tinatayang nasa 211,743. Ito ay kumakatawan sa 44 porsiyento ng kabuuang ‘unserved areas’ o mga sambahayan na hindi pa naseserbisyuhan ng kuryente sa bansa. Sa rehiyon ng Mindanao, tinatayang nasa 256,106 ang mga hindi naseserbisyuhan na sambahayan sa mga missionary areas o 53.5 porsiyento, habang ang nasa Visayas ay tinatayang nasa 11,180 na sambahayan na kumakatawan sa 2.33 porsiyento ng kabuuang bilang ng mga sambahayan na hindi naseserbisyuhan ng kuryente sa bansa.

Ayon kay Gatchalian, maganda rin ang microgrids para sa pagtatatag ng mga renewable energy (RE) sources sa bansa dahil madaling ma-absorb ng mga microgrid ang RE tulad ng mga nakukuhang enerhiya sa solar, wind, at karagatan.

“Dapat mas pag-igihan pa ng DoE ang pagsisikap nitong isulong ang pagbuo ng microgrids sa mga lugar na wala pang kuryente,” pagtatapos ni Gatchalian.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -